(Galing sa regional training) 7 PULIS TODAS, 17 SUGATAN SA BANGGAAN

MISAMIS ORIENTAL- PITONG pulis ang dead on the spot habang 17 pang kasama nila ang sugatan makaraang masangkot sa vehicular accident ang sinasakyan nilang dalawang Hi-Ace van na nabangga ng wing van na nasabugan ng front wheel kahapon ng umaga sa Barangay Poblacion, Naawan sa lalawigang ito.

Ayon sa imbestigador na si Pat. Joery Abragan ng Naawan Municipal Police Station, naganap ang insidente Dakong alas-9:25 ng umaga sa highway na patungong Cagayan de Oro City at Iligan City.

Kinilala ang mga nasawi na sina SSg Michael Ermac, SSg Marjun Reuyan, Abapo Anito (Ret. PSSg)– Driver; SSg Jevilou Cañeda, SSg Aaron Ticar, SSg Arnill Manoop at SSg Eugene Lagcao.
Isinugod naman sa iba’t ibang pagamutan sa nasabing lalawigan at sa Lanao del Norte ang 17 pulis na sugatan sa insidente.

Habang may siyam pang katao na nasugatan na inaalam kung sila ay pulis din na inilipat sa ibang pagamutan sa Cagayan de Oro City.

Ayon kay Abragan, tinangka ng dalawang HI-Ace van na mag-overtake sa wing van subalit biglang sumabog ang front wheel ng huli kaya nadamay ang mga pulis na dahilan ng banggaan at kamatayan.

Sinabi naman kay Naawan Police Chief, Major Reynante Labio, pawang estudyante ng senior leadership course ang mga biktima at galing sa Police Regional Office 10 sa Cagayan de Oro City.

“Yung galing ng Iligan na wing van, ‘yung truck at saka nakasalubong niya ‘yung dalawa. Ang nangyari dito is nag- explode ‘yung tire ng wing van then nasagi niya yung dalawang van na sinasakyan ng ating kapulisan na galing sila sa Regional Training Center ng 10 sa Cagayan de Oro City. Mga estudyante natin ito sa senior leadership course, parang papauwi sila,” ayon kay Labio. EUNICE CELARIO