GALIT PALA SA ATIN ANG MGA TAIWANESE?

Magkape Muna Tayo Ulit

SA TOTOO  lang, ako ay nagulat nang mabasa ko ang balita na ang Fi­lipinas pala ay ikalawa sa “most hated countries” ng Taiwan. Sumunod lamang tayo sa bansang North Korea. Ang pag-aaral ay ginawa ng Taiwan Public Opinion Foundation, isang non-profit organization sa nasabing bansa. Pinagbatayan ito sa isang random survey ng 1,073 na mga Taiwanese.

Lumalabas na ang pinakaayaw ng bansa ng mga mamamayan ng Taiwan ay North Korea na nakakuha ng 70.9%,sumunod ang Filipinas na may 52.9%. Pangatlo ang China na may 43.9%, South Korea, 33.8% at Russia na nakakuha ng 29.7%. Nakagugulat dahil mas ayaw pa pala sa atin ng Taiwan kaysa sa China. May matagal na kasaysayan na alitan ang dalawang bansa. Ito ay dulot ng pagkapanalo ng komunismo laban kay Chiang Kai-shek, na itinuturing  na ama ng Taiwan. Matatandaan na mula 1928 si Gen. Chiang Kai-shek ang lider ng Republika ng China, subalit pagkatapos ng Ikalawang Digmaan, umalsa ang mga komunista na pinamunuan ni Mao Tse Tung at napilitan na tumakbo si Gen. Chiang Kai-shek sa maliit na isla ng Taiwan kung saan nagtayo ng sariling republika noong 1949.

Hanggang ngayon ay masalimuot pa rin ang isyu kung sino ang tunay na Republika ng China sa dalawa. Hindi rin nakasisiguro ang Taiwan at baka sakupin sila ng China tulad ng ginagawa nila sa  mga isla sa South China Sea.

Ano kaya ang dahilan at lumabas na matindi pala ang yamot ng mga Taiwanese sa atin? Ako talaga ay nabigla rito. Sa kasalukuyan, mahigit na 150,000 na OFWs ang nasa Taiwan bilang  domestic helpers, construction workers at sa  manufacturing plants. Hindi pa kabilang dito ang mga white collar job na Filipino na nakadestino sa Taiwan.

Ang mga Filipino ay ang ikatlo sa pinakamalaking immigrant workers sa Taiwan. Sa kabilang dako naman, ang bansang Taiwan ay ang pangalawa sa may pinakamalaking pinuhunan (investment) sa ­ating bansa noong 2017. Umaabot ito ng P10.8 bilyon.

Kaya talagang naka­gugulat ang lumabas na survey na ito. Ito kaya ay dulot ng ilang  mga kapalpakan ng gobyerno noong panahon ni da­ting pangulong  Noynoy Aquino na may nasa­wing mga Taiwanese? Matatandaan na nagalit ang gobyerno ng Taiwan matapos na ang ating Philippine Coast Guard (PCG) ay nakapatay ng isang Taiwanese fisherman noong May 9, 2013. Inamin ng PCG na nakabaril sila ng isang Taiwanese fisherman.

Nangyari ito sa pinagtatalunan na lugar sa pagitan ng karagatan ng Taiwan at Filipinas. Nakakuha ng suporta ang gobyerno ng Taiwan sa kanilang mamamayan sa insidenteng ito. Mukhang hindi maganda ang pag-handle ng gob­yerno ni PNoy rito at tila walang malinaw na pagtuldok sa insidenteng ito. Marahil ay nakadagdag din ang masamang imahe natin sa mga Taiwanese doon sa palpak na pag-handle sa hostage drama noong 2010 sa Rizal Park.

Ito ‘yung hinostage ng isang pulis na si Rolando Mendoza ang isang bus na may lulang 20 turista mula Hong Kong. Palpak ang rescue ng ating SWAT sa insidenteng ito at nag-iwan ng mapait na imahe sa mga Tsinong kapitbahay natin sa Asya.

Malaking hamon ngayon ito sa Manila Economic and Cultural Office (MECO) na tumatayong embahada natin sa Taiwan. Papaano nila maaayos ito?

Pinamumunuan ngayon ang MECO ni Angelito Banayo. Kilala ko si Banayo. Alam ko na makakagawa siya ng paraan upang maiba ang masamang imahe natin sa Taiwan. Good luck na lang sa ‘yo Lito.

Comments are closed.