NAKUMPISKA ng National Bureau of Investigation (NBI) ang halos 2,000 kilong frozen galunggong mula China na isinilid sa mga kahon nang magsagawa ang ahensiya ng buy bust operation sa Navotas City kamakailan.
Nasa 1,800 kilo lang ang nakumpiska sa operasyon pero may 70 container vans na may sariling freezer pa ang iniimbentaryo, na pinag-iimbakan ng higit 1,000 toneladang produkto.
Pinagbibili ng P580 ang kada kahon na may lamang 10 kilong isda.
Nahuli ang limang suspek kabilang ang tatlong mga Chinese.
Nang pasukin ng mga tauhan ng NBI ang bentahan, walang naipakitang importation permit ang mga naaresto pati ang nagpaki-lalang may-ari ng storage facility.
Ayon kay Noel Bocaling, officer-in-charge ng NBI Bulacan, nakatanggap sila ng impormasyon na ibinebenta nang tingi ang mga isda kahit dapat para sa canning o processing ang mga ito. Dagdag niya, sa mga wet market gaya sa Navotas ibinebenta ang mga galing dito.
Maaaring smuggled o ipinuslit sa bansa ang mga ito kung walang mga importation permit.
Dagdag ni Bocaling, posible ring may panganib sa kalusugan ang mga isda dahil ginamitan umano ito ng kemikal na formalin bago isilid sa freezer para mapigilan ang pagkabulok nito.
Sabi naman ng isa sa naaresto, hindi rin niya inaalam kung saan nanggaling ang mga ibinebenta nilang isda dahil tagaayos lang umano siya ng resibo.
Kakasuhan ang limang naaresto pati ang may-ari ng imbakan ng large-scale agricultural smuggling sa ilalim ng Republic Act (RA) 10845, at ng paglabag sa RA 8550 o ang Fisheries Code.
Iniimbestigahan din ng NBI kung paano nakarating sa Kamaynilaan ang mga isda bagama’t sa Mindanao madalas pinoproseso ang isdang pang-delata.
Inaalam din kung may iba pang grupo o opisyal ng gobyerno na sangkot dito.
Ikinatuwa naman ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang naging resulta ng operasyon ng NBI.
“That’s economic sabotage… Nagkakaroon ng artificial supply, magkakaroon ng effect sa pricing and that can be taken ad-vantage of by some manipulators na traders para ma-tinker ang presyo,” ani BFAR director Eduardo Gongona.
Nitong Agosto, pinayagan ng pamahalaan ang pag-aangkat sa bansa ng galunggong sa kabila ng babala ng ilang grupo na maaaring huli rin ang mga isda sa West Philippine Sea.
Comments are closed.