GALVEZ ‘BIG BROTHER’ SA PARAÑAQUE

Carlito Galvez Jr

TINANGGAP ni Para­ñaque City Mayor Edwin Olivarez ang pagkakatalaga kay Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) chief implementer Carlito Galvez, Jr. na siyang itinalagang magmonitor sa lokal na pamahalaan kaugnay sa implementasyon na ipinatutupad ng gobyerno na National Action Plan against COVID-19.

Sa Resolusyon bilang 62 sa ilalim ng IATF-EID, ang mga miyembro ng gabinete ang siyang aayuda sa implementasyon at kung sumusunod ang Local Government Units (LGUs) sa quarantine guidelines at nagmomonitor din ng status ng healthcare system.

Ani Galvez, ang mga miyembro ng gabinete ay aakto bilang “big brothers” at “big sisters” ng mga alkalde upang mapaglabanan ang pandemya.

Itatalaga ang bawat mi­yembro ng gabinete sa mga lugar o lungsod kung saan sila nakatira upang mabigyan ng suporta mula sa gobyerno.

Simula sa Lunes, sasamahan ng mga miyembro ng city council, opisyal ng CHO at ng city COVID Task Force si Galvez sa pagbisita sa isolation facilities sa lungsod at makikipagpulong na rin sa mga opisyal ng barangay kaugnay sa pagsugpo ng COVID-19 sa lungsod.

Inaasahang tatalakayin sa pagpupulong kung papaano ipatutupad ta ang makabagong pamamaraan upang maibaba pa ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa pagbabalik ng Metro Manila sa GCQ status sa susunod na linggo.

Ani Olivarez,siya ring chairman ng Metro Manila Council (MMC) na naging epektibo ang implementasyon ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila kung saan pinapurihan ang mga city health office personnel dahil sa pagbaba ng aktibong kaso ng COVID-19  na nakapagtala ng 876 kaso noong Agosto 4 at naipababa ito ng 651 noong Agosto 13.

Sa kasalukuyan, nakapagtala na ang Parañaque City Health Office (CHO) ng 3,363 kumpirmadong kaso ng COVID-19 base sa pinahuling talaan. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.