(Gamboa muling sasakay sa helicopter sa Hulyo) PILOTO SA BELL 429 CHOPPER CRASH IIMBESTIGAHAN

Archie Gamboa

CAMP CRAME-INAPRUBAHAN ni Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Archie Francisco Gamboa ang rekomendasyon ng Special Investigation Task Group (SITG) na imbestigahan ang dalawang piloto at crew ng Bell 429 na bumagsak noong Marso 5 sa San Pedro, Laguna.

Sa nasabing trahedya, mismong si Gamboa, kaniyang classmate sa Philippine Military Academy (PMA)  na sina Maj. Gen. Mariel Magaway, dating PNP Director for Intelligence at Maj. Gen. Jose Maria Ramos, dating Director for Comptroller-ship ay pawang nasugatan kasama si PNP Spokesman BGen. Bernard Banac at aide ni Gamboa na si Capt. Kevent Gaymara.

Sugatan din sa trahedya ang pilot in command (PIC) na sina Lt. Cols. Roel Zalatar at Rico Macawili at crew na si SMSgt. Louie Estona .

Sa Regular Monday press conference ni Gamboa, sinabi nitong  sa imbestigasyon sa PIC ay sisilipin kung ano ang pananagutan ng mga ito sa insidente.

Ang tatlo aniya ay naka-assign na sa Special Action Force Admin Holding at naghihintay para maimbestigahan.

Paliwanag naman ng PNP chief, normal na aniya ang rekomendasyon na imbestigasyon kapag may nangyayaring hindi maganda.

“There is a recommendation for investigation of the pilot in command on both administrative and criminal charges, so, sabi ko, yes, you may conduct an investigation and find out whether there are administrative or criminal culpabilities of the pilot in command and of course including the crew,” ayon pa kay Gamboa.

Samantala, pinayagan na rin ni Gamboa ang muling paglipad ng air assets kasunod ng anunsyong 11 pilots ang sinasanay upang maging pilot in command.

Tiniyak din ni Gamboa na bagaman kasama siyang nadisgrasya sa March 5 chopper crash, kumbisindo pa rin siya sa kakayahan ng kanilang air assets at katunayan niyon ay muli siyang sasakay sa chopper sa Hulyo 17 sa kanyang scheduled visit sa Region 1.

“I am again riding on July 17 to convince all of you, that I am convinced that our choppers are airworthy including the pilots,” ayon pa kay Gamboa. EUNICE C.

Comments are closed.