CAMP CRAME-NANAWAGAN si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Archie Francisco Gamboa sa mga nagpaplanong magsagawa ng rally sa araw ng ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte na sa social media na lamang magprotesta.
Ayon sa PNP Chief, pinahintulutan ng mga pulis ang mga tradisyunal na kilos-protesta sa SONA ng Pangulo sa mga nakalipas na taon bilang pagkilala sa freedom of expression.
Subalit dahil aniya sa nagbago ang sitwasyon bunsod ng COVID-19 pandemic, ay ipinagbabawal na ang mass gatherings o anomang pagtitipon.
Sinabi ni Gamboa na tradisyunal na ipinaiiral ng PNP ang maximum tolerance sa mga raliyista pero dahil aniya sa sitwasyon, kailangang balansehin ng PNP ang kanilang mga aksyon sa mga umiiral na health protocols.
Giit ng PNP Chief, maari pa rin namang ihayag ng mga protester ang kanilang mga saloobin, sa pamamagitan ng social media, nang hindi na kailangang magtipon-tipon pa sa kalye.
Umaasa si Gamboa na makikipag-cooperate ang iba’t ibang civic group, para sa kapakanan ng sambayanan.
Magugunitang kinumpirma ng Malacañang na personal na ide-deliver ni Pangulong Duterte ang kanyang pag-uulat sa bayan sa Hulyo 27, taliwas sa haka-hakang baka virtual SONA ang ipatupad bilang pagsunod sa health protocols.
Gayunman, sinasabing 50 katao lang ang personal na makaririnig at makapanonood sa Ulat sa Bayan ng Pangulo sa nasabing petsa. EUNICE C.
Comments are closed.