GAME 1: BOLTS VS TEXTERS

PBA governor Cup

Laro ngayon:

(Araneta Coliseum)

6:30 p.m. – Meralco vs TNT

SIMULA na ang bakbakan ng sister teams Meralco at Talk ‘N Text sa PBA Governors’ Cup semifinals ngayon sa Araneta Coliseum.

Magsasagupa ang Bolts at Texters sa alas-6:30 ng gabi kung saan kapwa determinado ang dalawang koponan na makauna sa kanilang best-of-5 semis showdown.

Sa kanilang paghaharap sa elimination ay namayani ang Tropang Texters,  116-113.

Tiyak pano­noorin ni Manny V. Pangilinan, kasama ang dalawa niyang trusted lieutenants na sina boxing president at dating POC president Ricky Vargas at Samahang  Basketbol ng Pilipinas top honcho Al Panlillo, ang laro ng TNT at Meralco na kanyang pag-aari.

Nakasalalay ang tagumpay ng TNT at Meralco sa kanilang import, katuwang ang mga local player.

Sina TNT import KJ McDaniels at residence import Allen Durham ay kapwa versatile players at dito malalaman kung sino sa kanilang dalawa ang mas magaling.

Isa pang magbibigay excitement ay ang labanan nina TNT team consultant/coach  Mark Dickel at Meralco long time coach Norman Black.

Hindi dapat i-underestimate ng TNT ang kakayahan ng Meralco at kailangang maglaro nang husto at gamitin ang  lahat na kanilang nalalaman  ng Tropang Texters upang manaig at maiwasang masunog ng  mataas na boltahe ng Bolts.

Nakahandang tumulong kay McDaniels sina Jayson Castro, Troy Rosario, Roger Pogoy, Ryan Reyes, Jericho Cruz, Anthony Semerad at fully recovered Kelly Williams.

Sina Castro at Rosario ay miyembro ng Gilas Pilipinas na matagumpay naipagtanggol ang  korona sa basketball sa katatapos na 30th Southeast Asian Games sa paggabay ni coach Tim Cone.

Magiging  backup naman Durham sina Chris Newsome, Baser Amer, Cliff Hodge, Travis Jackson, John Pinto, Nico Salva at Reynel Hugnatan. CLYDE MARIANO