GAME 1: GOLDEN SPIKERS VS BULLDOGS

Laro ngayon:
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. – NU vs UST (Men Finals)

SISIMULAN na ng three-peat seeking National University at ng University of Santo Tomas, isa sa pinakamatagumpay na UAAP men’s volleyball programs, ang kanilang best-of-three finals ngayon sa Mall of Asia Arena.

Kinuha ng Bulldogs ang kanilang ika-8 sunod na championship appearance makaraang makumpleto ang perfect 14-0 elimination round. Nagwagi ang NU ng 32 sunod na laro magmula pa noong 2019.

“Sobrang saya kasi sa tagal na natigil ‘yung sa men’s, almost four years. Sobrang saya namin kasi ‘yung pinaghirapan namin sa ensayo, nagbunga naman at nakita naman kung paano ma-execute sa game,” sabi ni Bulldogs ace spiker Nico Almendras.

Sa unang pagkakataon magmula noong 2012, ang Golden Spikers ay balik sa finals at sisikaping wakasan ang 12-year title drought.

“Siyempre kakaiba ang saya ko, hindi lang ako, pati mga teammates ko, mga coaches ko at ng UST community,” sabi ni rookie Josh Ybañez, na sisikaping ihatid ang España-based squad sa kanilang ika-20 korona overall, at ang una magmula nang makumpleto ang four-peat noong 2011.

Nakatakda ang series opener sa alas-2 ng hapon.

Naitala ng Bulldogs ang four-set victories kontra Golden Spikers, 25-20, 25-19, 19-25, 25-21, sa first round, at 25-19, 22-25, 25-18, 25-21, sa second round.

Gayunman ay nananatiling kumpiyansa ang UST na kaya nilang talunin ang NU.

“Alam kong kaya namin sila and they are beatable. Natatalo rin sila,” ani Ybañez. “Kailangang pagkatiwalaan ‘yung sistema ng mga coaches namin. Mas tapangan pa lalo at kailangang maging inspirasyon ang mga talo namin sa elimination round para mas pag-igihan namin at pagsikapan namin sa Finals.”