Laro ngayon:
(Mall of Asia Arena)
4 p.m. – LPU vs SBU (Men’s Finals)
SIMULA na ngayon ang championship showdown sa pagitan ng three-peat seeking San Beda at ng Lyceum of the Philippines University sa NCAA basketball tournament sa Mall of Asia Arena.
Sasalang ang Pirates na wala si CJ Perez, ang reigning MVP na pinatawan ng one-game suspension makaraang hindi abisuhan ang liga sa kanyang intensiyon na lumahok sa PBA rookie draft.
Nakatakda ang Game 1 ng best-of-three series sa alas-4 ng hapon.
Kapwa kinumpirma kahapon nina LPU coach Topex Robinson at school’s Management Committee representative Herc Callanta na hindi maglalaro si Perez sa Finals opener.
Si Perez ay nag-apply sa PBA draft noong nakaraang Oktubre 26 sa pamamagitan ng kanyang agent. Itinala ng pro league si Perez bilang isang Fil-foreigner dahil ipinanganak ito sa Hong Kong bago pinalaki ng kanyang grandparents sa Pangasinan.
Sa pagkawala ni Perez ay kailangang kumayod nang husto ng Pirates upang mapigilan ang Red Lions na papasok sa title series na may 12-game winning streak.
Si Perez ay may average na 18.7 points, 8.2 rebounds, 3.9 assists at 3.3 steals kada laro ngayong season.
Sa kabila ng malaking bentahe sa pagkawala ni Perez sa opener ay ayaw magkumpiyansa ni San Beda coach Boyet Fernandez.
“It’s going to be a tough Finals,” wika ni Fernandez.
Na-split ng Lions at Pirates ang kanilang head-to-head sa eliminations. Sa first round ay namayani ang LPU, 73-66, bago rumesbak ang San Beda sa pamamagitan ng 75-68 panalo sa second round.
Comments are closed.