GAME 1(Benilde-Letran titular showdown aarangkada na)

Laro ngayon:
(Smart Araneta Coliseum)
3 p.m. – Benilde vs Letran (Finals, Game 1)

SISIMULAN ng Letran at College of Saint Benilde ang kanilang best-of-three championship series sa NCAA men’s basketball tournament ngayong alas-3 ng hapon sa Araneta Coliseum.

Maaaring winalis ng Knights ang Blazers sa kanilang elimination round head-to-head, ngunit batid ni coach Bonnie Tan na ibang usapin ang Finals.

“Pagtatrabahuhan namin kasi number one team ang Benilde, so mindset pa rin namin is nasa dehado side tayo,” sabi ni Tan.

Ang Blazers ay nasa kanilang unang championship appearance magmula noong 2002, dalawang taon makaraang gumawa ng kasaysayan bilang pinakamabilis na koponan na nagwagi ng NCAA crown.

“Excited din kaming makalaban ang CSB sa Finals dahil first time din nila after long years na absent sila sa Finals. Sana mabigyan natin ng magandang laban yung CSB,” sabi ni Tan.

Target ng Knights na maging ika-8 koponan sa kasaysayan ng liga na nanalo ng tatlong sunod na kampeonato. Ang huling pagkakataon na nakumpleto ng Letran ang three-peat ay noong 1982-84, na may powerhouse line-up na pinangunahan ni Samboy Lim.

Dinala nina leaders Brent Paraiso, Louie Sangalang at Fran Yu ang Knights sa Finals kung saan nalusutan nila ang pagkawala ni MVP Rhenz Abando. Nalusutan din nito ang pagkukumahog sa kaagahan ng season makaraang masuspinde sina Paraiso at Sangalang ng dalawang laro, kung saan nagtala ang Letran ng 3-3 bago nagwagi sa 10 sa kanilang huling 12 elimination round games upang tumapos sa second at gapiin ang Lyceum of the Philippines University sa Final Four.

Sa likod nina Will Gozum, Migs Gozum at Miggy Corteza, ang Benilde ay nakalikom ng 14 panalo sa eliminations bago nalusutan ang San Beda sa Final Four upang sumampa sa Finals.

“This was a good test for us, if we can stand our ground, I think maybe we’d have a chance (against the Knights),” pahayag ni Blazers coach Charles Tiu, hinggil sa kanilang semis duel sa Red Lions.

Nakatakda ang Game 2 sa December 11 sa Big Dome, habang ang deciding Finals game, kung kinakailangan, ay lalaruin sa Ynares Center sa Antipolo sa December 18.