GAME 3: 2-1 BENTAHE PAG-AAGAWAN

Mga laro sa Linggo:
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m.- TNT vs Magnolia
6:30 p.m. – San Miguel vs Meralco

MAG-AAGAWAN ang defending champion Talk ‘N Text at Magnolia, at ang San Miguel Beer at Meralco sa 2-1 bentahe sa Game 3 ng PBA Philippine Cup best-of-seven semifinals ngayon sa Araneta Coliseum.

Magsasagupa ang Tropang Giga at Hotshots sa alas-4:30 ng hapon, na susundan ng salpukan ng Beermen at Bolts sa alas-6:30 ng gabi.

Rumesbak ang Magnolia sa TNT, 92-88, gayundin ang Meralco sa SMB, 99-88, upang itabla ang serye sa 1-1.

Ang momentum ay nasa Magnolia at Meralco sa panalo sa Game 2 at tiyak na gagamitin itong tuntungan ng dalawang koponan para kunin ang bentahe sa serye.

Pangungunahan ni Game 2 Best Player of the Game Ian Sangalang ang opensiba ng Magnolia katuwang sina Marc Andy Barroca, Paul Lee, Calvin Abueva, Jio Jalalon, Rome de la Rosa at Jackson Corpuz.

Tatapatan ang Hotshots nina Mikey Williams, Roger Pogoy, Jayson Castro, Troy Rosario, Keb Montalbo, John Paul Erram at Kelly Williams.

Hindi gaanong nakatulong ang top gunner na si Mikey Williams sa TNT sa Game 2 at tiyak na babawi ang 30-anyos na Filipino-American na ipinanganak sa Los Angeles upang ilapit ng dalawang hakbang ang tropa ni coach Chot Reyes sa finals.

Muling sasandal si returning Meralco coach Norman Black sa kanyang mga gunner na sina Chris Newsome, Cliff Hodge, Allein Maliksi, Aaron Black, Bong Quinto at Raymond Almazan.

Dapat mag-step up ang mga gunner ng SMB na sina CJ Perez, Marcio Lassiter, Jericho Cruz, Vic Manuel at Moala Tautuaa upang tulungan si June Mar Fajardo sa opensiba.

Umiskor ang 6’10 six-time MVP ng 22 points subalit hindi gaanong nakatulong ang kanyang mga kasamahan at nabigo ang Beermen na makuha ang ikalawang sunod na panalo sa semis.

CLYDE MARIANO