GAME 3: KINGS, BOLTS BABASAGIN ANG PAGTATABLA

Mga laro ngayon:

(Mall of Asia Arena)

6:30 p.m. – Ginebra vs Meralco

(Game 3, Serye tabla sa 1-1)

TABLA matapos ang dalawang laro, ipagpapatuloy ng  reigning champ Barangay Ginebra at Meralco ang kanilang PBA Governors’ Cup title showdown sa krusyal na Game 3 ngayong Linggo sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Inaasahan ang mainit na bakbakan kung saan mag-aagawan ang dalawang koponan sa 2-1 lead sa race-to-four-games series.

“Game Threes are always telling. It’s going to tell which direction it (the series) is going to go,” sabi ni Ginebra coach Tim Cone.

Babasagin ng dalawang koponan, sa Chapter 4 ng kanilang mainit na rivalry sa Governors’ Cup finals, ang pagtatabla makaraang rumesbak ang Gin Kings sa Game 2 noong Biyernes, 99-93, mula sa 104-91 pagkatalo sa series opener.

Nagpamalas si Justin Brownlee at ang kanyang teammates ng matinding determinasyon bilang tugon sa pagkatalo sa mga kamay ni Tony Bishop at ng Bolts noong Miyerkoles.

Papasok sa Game 3, ang bigat ng pag-a-adjust ay na kay coach Norman Black at sa kanyang Meralco crew na.

“Our guys took the challenge. It was more of a mental adjustment. We came out with a little bit more fire and purpose and really focused on some of the little things,” sabi ni Cone.

Ang  Bolts ay may key game-time adjustments kung saan nakabalik sila mula sa 20-point deficit sa third period at nakalapit ng dalawang puntos sa fourth.

Subalit kinapos siila sa huli, at pinangunahan ni Brownlee ang pag-apula sa Bolts para maisalba ang Kings.

Hindi ininda ng resident Ginebra champion import ang twisted ankle sa huling bahagi ng laro at kinamada ang killer blows para tampukan ang near triple-double game na may 36 points, 13 rebounds at 9 assists.

At may injury man o wala, nangako si Brownlee na maglalaro at pangungunahan ang pagtatangka ng Ginebra na maulit ang kanilang back-to-back titles noong 2016 at  2017.

“I will do whatever I can to deal with it. If it is hurting, I’ll play through it,” ani Brownlee na liyamado para makopo ang Best Import trophy sa Governors’ Cup. CLYDE MARIANO