Laro sa ngayon:
(Araneta Coliseum)
Game 5, best-of-7 finals
5:45 p.m. – TNT vs SMB
BABASAGIN ng defending champion Talk ‘N Text at San Miguel Beer ang pagtatabla para sa krusyal na 3-2 bentahe sa Game 5 ng kanilang best-of-seven title series sa PBA Philippine Cup ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Nakatakda ang salpukan sa alas-5:45 ng hapon.
Tinalo ng Tropang Giga ang Beermen sa Game 4, 100-87, sa pagbabalik ni head coach Chot Reyes upang itabla ang serye sa 2-2. Nalasap ng TNT ang dalawang sunod na talo sa ilalim ni assistant coach Sandy Arespacochaga.
Tiyak magpapatayan ang dalawang mortal na magkaribal para makuha ang panalo at lumapit sa pagkopo ng korona.
Kapwa kumpiyansa sina coach Reyes at Leo Austria sa kampanya ng kani-kanilang tropa.
“The momentum is on our side. We will exploit it to our advantage. This game is crucial. We have to win at all cost,” sabi ni Reyes, target ang ika-8 PBA title magmula noong 2013.
Muling sasandal si Reyes sa kanyang mga gunners na sina Jayson Castro, Roger Pogoy, Mikey Williams habang pagtutulungan nina Kelly Williams at John Paul Erram na bantayan si SMB main man June Mar Fajardo.
Sa kabila na nabigong makuha ang 3-1 lead ay kumpiyansa pa rin si Austria na mabawi ang korona na huli nilang hinawakan noong 2018.
“We cannot afford to lose this game. We will do everything to win Game 5. This game will determine our bid to regain the crown,” sabi ng 64-anyos na SMB mentor.
Puntirya ni Austria ang ika-4 na PBA title at ika-4 na korona sa Philippine Cup magmula noong 2015.
Pangungunahan ng 6-foot-10 na si Fajardo ang opensiba ng SMB katuwang sina CJ Perez, Marcio Lassiter, Jericho Cruz, Simon Enciso at Chris Ross.
CLYDE MARIANO