Mga laro ngayon:
(Mall of Asia Arena)
3 p.m. – Magnolia vs Ginebra
5:45 p.m. – San Miguel vs Bay Area
SISIKAPIN ng Barangay Ginebra at Bay Area na maisaayos ang titular showdown laban sa kani-kanilang katunggali sa Game 4 ng semifinals ng PBA Commissioner’s Cup ngayon sa Mall of Asia Arena.
Nahila ng San Miguel Beer ang serye sa ipinamalas na determinasyon kontra Dragons sa kanilang semifinal duel noong Linggo sa Philsports Arena.
Ngayo’y handa ang Beermen sa mas mabigat na hamon na muling palawigin ang kanilang conference sa pagsagupa sa Dragons.
Nakatakda ang salpukan sa alas-5:45 ng hapon matapos ang bakbakan ng Gin Kings at Magnolia Hotshots sa alas-3 ng hapon.
“As long as we play hard, we play as a team both on offense and defense, defined ang roles ng mga players… we follow the gameplan, I think we’ll have a good chance of beating them (again),” sabi ni SMB coach Leo Austria.
Ginawa ng nine-time champion coach ang pahayag makaraang maitakas ang 98-96 thriller kontra Bay Area upang mapigilan ang huli sa three-game sweep sa best-of-five series at tapyasin ang deficit sa 1-2.
“Do-or-die na ito para sa amin, sa kanila naman siyempre gusto na nilang i-close ‘yung series,” wika ni Beermen’s prized center June Mar Fajardo.
“So kung sino na lang susunod sa gameplan and then kung sino ‘yung (mas) gustong manalo iyon ‘yung mananalo sa Game 4,” dagdag ni Fajardo. “Kami siyempre gusto naming manalo so ibibigay namin ‘yung best namin sa Game 4.”
Kapwa inamin nina Austria at Fajardo na may mga aspeto pa sa laro ng Beermen na kailangang ayusin, ngunit ang pagnanais na maisagawa ito ay nananatili sa koponan.
“It’s a lot of hard work because we know Bay Area is, sabi ko nga, well-coached and they’ve been together for the last eight months in one place so the camaraderie, the brotherhood is there,” sabi ni Austria.
“It’s really tough for us,” dagdag ni Austria. “But our players, pride ang umiiral, eh. We’re up against a foreign team so it’s a good challenge for them. Win or lose, as long as we’re fighting for the pride of the Filipino people, we’re okay.”
Samantala, tangan ng Kings ang 2-1 bentahe makaraang pataubin ang Paul Lee-less Hotshots sa Game 3, 103-80.
CLYDE MARIANO