GAME OVER O GAME 7?

Laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
7:30 p.m. – TNT
vs Ginebra
(Game 6, TNT abante
sa serye, 3-2)

ABANTE sa serye, sisikapin ng TNT na tapusin na ang Barangay Ginebra at kunin ang korona sa Game 6 sa PBA Season 49 Governors’ Cup ngayong Biyernes sa Araneta Coliseum.

Nakabawi mula sa pagkatalo sa Games 3 at 4, ang Tropang Giga ay nasa magandang posisyon upang maidepensa ang korona sa alas-7:30 ng gabi.

Kung sakali, maitatala ng Smart/PLDT franchise ang back-to-back sa season-ending Governors’ Cup at magiging ika-6 na koponan na may double-digit haul ng PBA championships matapos ng San Miguel Beer (29), Barangay Ginebra (15), Alaska Milk (14), Purefoods/Magnolia (14) at Crispa (13).

Para kay Chot Reyes, ito ay magiging ika-10 titulo kapag naduplika niya ang tagumpay na nakamit ni Cinderella man Jojo Lastimosa sa 2023 Governors’ Cup.

Magiging magandang follow-up naman ito para kay Rondae Hollis-Jefferson sa kanyang PBA golden debut noong 2023.

Subalit ayaw muna itong isipin ni Reyes dahil batid niyang hindi pa tapos ang trabaho, at hindi magiging madali na tapusin ang Ginebra sa kanilang never-say-die spirit.

Hindi rin basta susuko si Coach Tim Cone at hayaan ang Tropang Giga na maiuwi ang korona.

“Our backs are to the wall and we have to come out with a little bit of desperation in Game Six,” aniya. “No one feels about losing a game (Game Five) like this than me. But we just got to move on, get ready for Game Six and see what we can do.”

Natambakan sa third quarter noong Miyerkoles ng gabi, minabuti ni Cone na ilabas ang kanyang core players sa fourth period upang pagpahingahin ang mga ito at makapagmuni-muni.

Walang balak si Reyes na magkampante, at pinaghahandaan niya ngayon ang mabigat na laban sa susunod na laro.

Nais naman ni Cone na kalimutan ang pagkatalo ng Kings sa Game 5 ng 27 points (72-99).

“It’s one game in a series, it’s not ‘the series’ and my job is to win a series and not to win one game,” sabi ni Cone sa kanyang paglabas mula sa Ginebra dugout.

“It’s the same as losing a 30-point game, and losing a one-point game,” dagdag pa niya.

“Actually, it doesn’t matter that we lost by 30 points. Bottom line is we lost. You’d still be talking to me if we lost by one point or we lost by 30. So it’s the same thing.”

Subalit ang tanong ay magawa kaya ng Kings, tila pagod na, na makapag-adjust upang mapigilan ang TNT at mahila ang serye sa deciding Game 7.
CLYDE MARIANO