GAME OVER VS NPA – EASTMINCOM

MINDANAO- TIWALA ang AFP- Eastern Mindanao Command sa pamumuno ni Lt Gen. Greg Almerol, Commander ng EASTMINCOM na tuluyan na nilang malalansag ang nalalabing Communist Party of the Philippine-New People’s Army (CPP-NPA) sa kanilang nasasakupan.

Bunsod ito ng pagkagapi ng Sub-Regional Committee 5, Southern Mindanao Regional Committee ng CPP-NPA na dating may 14 guerilla front matapos na wasakin at buwagin ng 1003rd Infantry (RAPTOR) Brigade na nasa ilalim ng pamumuno ng 10th Infantry (AGILA) Division, Philippine Army.

Ayon kay MGen. Ernesto Torres Jr., Commander ng 10th Infantry Division, Philippine Army kung pagbabasehan ang kanilang timeline at naging accomplishment sa kanilang kampanya laban sa communist terrorist group ay posibleng matapos nila ang kanilang target hanggang sa buwan ng Abril.

Aniya, iilan na lamang ang natitirang miyembro ng CPP-NPA na kanilang tinutugis mula sa dating 900 armed rebels noong 2016 at ngayon ay nasa mahigit 100 na lamang ang nalalabing rebelde ang kanilang pakay.

Nabatid kay Torres na nakikipagtulungan na sa kanila ang sumukong ang 14 na lider ng Headquarters SRC5, SMRC gayundin ng kanilang Sub-Regional Guerilla Unit (SRGU) sa 1003rd Infantry Brigade na pinamumunuan ni Col. Consolito Yecla nitong nagdaang lingo sa Sitio Minalong, Brgy Kahusayan, Kitaotao, Bukidnon at Sitio Sambulungan, Brgy Palma Gil, Talaingod, Davao del Norte.

Kinilala ang mga sumukong lider ng communist NPA na sina Ida Marie Montero alias MANDY; Renato Lubguban alias JOSE; Lutenant APOGA alias MACKY; Vivan DUMOL alias JUVELYN; Lito Taluwa alias LITO; Enrico Caramat alias MARCO; Rudy Saballa alias EGOR; Lauret Tumbasay alias WENA; Claudia Balite alias CLAUDIA; Analisa Panduma alias ANALIZA; Gerome Chucas alias ROB; Dioneng Mansugal @BANSILAN; Catalino Mansugal @WOLOK; at Simo Mansugal @BATUGAL.

Kasama sa kanilang pagbabalik-loob ang pagsasalong ng siyam na high-powered firearms at dalawang low-powered firearms na kinabbibilangan ng 3 COLT M653 Rifles; 4 M16 Rifles; 1 M14 Rifle; 1 M79 Grenade Launcher; at 2 Caliber .45 pistols at iba’t ibang uri ng war materials.
Ayon kay alias “Mandy” sa initial interview, “Game over na kami, sir.” VERLIN RUIZ