(Gamit ang pangalan ni Mayor Sara Duterte-Carpio) SCAMMERS SUMUKO SA NCRPO

NATIMBOG ng Philippine National Police – National Capital Region Police Office (PNP-NCRPO) ang mga miyembro ng Cerbito – Fernandez Organized Crime Group matapos maglunsad ng malawakang operasyon laban sa mga ito.

Ayon kay NCRPO chief PMGen. Vicente D. Danao Jr., sumuko noong Hunyo 30 sa NCRPO ang kanilang ‘person of interest’ na umano’y gumagamit sa pangalan ni Davao City Mayor Sara Duterte – Carpio sa pangangalap ng pondo para umano sa kanyang kampanya para sa eleksiyon sa 2022.

Sa pahayag, sinabi ni Danao na nagpapanggap bilang si Davao City Assistant Administrator Atty. Tristan Dwight Domingo ang grupo, gamit ang mobile number na 09260241365.

Kaugnay nito, pinasalamatan ng pamahalaang lokal ng Davao ang agarang pag-aksiyon ng NCRPO na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Sa pahayag na inilabas ng Davao Public Information Office, kinilala at pinasalamatan ni Mayor Sara ang ginawang diskarte ng NCRPO upang mahuli ang mga miyembro ng itinuturing na organized crime group.

Batay sa imbestigasyon, may kanya-kanyang papel sa panloloko ang mga suspek na nakilalang sina Patrick Orinio Cerbito na kilala rin bilang Patrick Fernandez, Ramon Segundo, Antonio Cerbito alyas Duds, at Anthony Segundo alyas Papsie.

Ang operasyon ng NCRPO ay nag-ugat sa ulat ni PCol Kirby John B Kraft, City Director of Davao City Police Office, kaugnay sa scam na ginagamit ang mga opsiyal ng pamahalaan kapalit ng pangakong tulong sa negosyo, gayundin sa pangongolekta ng pondo para sa humanitarian projects tulad ng community pantry na hindi naman nangyayari.

Lumutang din sa imbestigasyon na ang grupo ay nambibiktima sa buong bansa at nakatarget na ng 209 na opisyal sa gobyerno at mga pribadong kompanya.

Ang mga suspek ay nagpapanggap gamit ang Viber at Facebook, magte-text at tatawag sa mga kontraktor at supplier sa Davao, Dumaguete, Iloilo, Batangas, Laguna, Quezon, Negros Oriental, Cabanatuan City, Tarlac, Pangasinan, Cagayan, Leyte, Baguio at sa iba pang rehiyon upang manghingi ng pinansiyal na suporta para sa darating na eleksiyon.

Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong syndicated estafa na may kaparusahan batay sa Section 1 ng Presidential Decree 1689 na may kaugnayan sa Article 315 ng Revised Penal Code.

4 thoughts on “(Gamit ang pangalan ni Mayor Sara Duterte-Carpio) SCAMMERS SUMUKO SA NCRPO”

Comments are closed.