ILANG buwan na nga lang naman ay sasapit na naman ang pinakahihintay ng lahat na holiday, panahon na para sa pag-aayos at pagpapaganda ng ating mga tahanan. Laging pinaghahandaan ng marami ang pagsapit ng Pasko kaya’t kahit na ilang buwan pa bago ito sumapit, marami na sa atin ang nag-iisip kung ano-anong dekorasyon o pampaganda ng bahay ang kanilang gagawin nang mamukod-tangi ito at magbigay galak sa mga darating o bisita.
Tuwing may okasyon nga naman o may salo-salo ang pamilya, hindi puwedeng kaligtaan natin ang pag-aayos ng ating tahanan. Masarap nga namang tumira sa isang bahay na maaliwalas, malinis at maganda ang kabuuan. Dahil habang maganda at maayos ang kabuuan ng tahanan, magiging masaya tayo’t makapagpapahingang mabuti.
Kunsabagay, hindi nga lang naman pagbabago ng ating kabuuan ang iniisip natin kundi pati na rin ang magiging hitsura ng ating buong bahay. Mas masarap at mas nakare-relax kung bago o kakaiba ang ayos ng ating bahay. Hindi naman sa kailangan mong ipa-renovate, kumbaga, kaunting ayos at dagdag lang ng mga kagamitan, okey na okey na.
Narito ang mga must-have accessories na makadaragdag ng ganda at saya sa ating tahanan:
CLOSET ORGANIZER
Isa sa mga hindi nawawala sa bawat tahanan ang closet organizer. Habang dumarami nga naman ang ating gamit, kakailanganin natin ng mas malaking closet organizer. Marami na ang available o mapagpipilian sa merkado. Mayroong closet organizer na may shelving, drawers at units na maaaring lagyan ng maliliit na gamit gaya na lang ng scarves, medyas at panyo. Mayroon din namang closet storage na hindi lamang damit ang mailalagay, kundi may espasyo rin ito para sa sapatos at boots.
Isa rin kasi sa madalas na kumakalat ang ating mga gamit o damit. Kaya naman, talagang kakailanganin ng kahit na sino ng closet organizer. At sa rami ng mapagpipilian sa merkado, makahahanap ka ng swak sa iyong personalidad at maging sa iyong pangangailangan.
ART
Napakahilig natin sa paglalagay ng wall art, mula sa wallpaper, picture frames, paintings at kung ano-ano pa. Sa totoo lang, isa ang art sa most common at versatile home accessories. Kahit na ano ay puwede mong ilagay o idekorasyon sa iyong tahanan. Swak din ang iyong personal collection. Kaysa nga naman itambak lang ito o ilagay sa box, puwede rin itong magamit sa pagpapaganda ng isang tahanan o lugar.
STATEMENTPENDANT
Mahilig tayo sa chandelier. Nakagaganda nga naman ito ng kabuuan ng ating bahay. Kaya, swak na swak sa pagpapaganda ng isang tahanan ang mga statement pendant.
Para mapaganda pang lalo ang inyong bahay, maaari kang maglagay o maghanap ng mga statement pendant para pandekorasyon sa inyong mga salas. Tiyak na magiging cozy tingnan ang inyong salas at kitchen kapag nilagyan n’yo ng mga statement pendant.
HOUSEPLANTS
Para rin maging fresh at malamig sa mata tingnan ang kabuuan ng ating bahay, maganda rin kung maglalagay ng mga halaman at bulaklak. Ang ilan ay naglalagay talaga ng halaman sa loob ng kanilang bahay dahil nakatutulong ito upang mabawasan ang dust and pollution. Kung hindi ka naman mahilig sa halaman, maaari ka namang bumili ng hindi na gaanong inaalagaan o iyong hindi kaagad namamatay kahit na hindi napapaarawan o nadidiligan.
Ayon sa howstuffworks.com, ang houseplants umano ang pinakamagandang home accessory dahil hindi lamang ito maganda sa paningin kundi nakapagpapaganda rin ng pakiramdam. Sa mga pag-aaral din ay nakitang hindi lamang nagtatanggal ng carbon dioxide sa hangin ang mga halaman kundi na-neutralize nito ang mga harmful chemical gaya ng polyethylenes at formaldehydes.
Ang mga nabanggit na kemikal ay kadalasang makukuha sa iba’t ibang gamit sa bahay, puwede ring sa flooring at pintura. Konektado rin o nagiging sanhi ang mga ito sa pagkakaroon ng respiratory at iba’t ibang sakit.
Napag-alaman din sa ginawang pag-aaral na nakababawas ng nadaramang stress ang mga halaman. Nakapagpapa-improve rin ito ng mood at natutulungan tayong mas lalo pang maging creative. Kaya naman, sa mga nabanggit na kagandahang naidudulot ng halaman hindi lamang sa bahay kundi maging sa naninirahan dito, tiyak na wala na tayong dahilan para hindi ito gamiting pampaganda ng tahanan.
Ilan sa mainam na halaman para ma-improve ang air quality ay ang bamboo, snake plants at spider plants.
May mga halaman ding poisonous kaya’t dapat itong iwasan.
Sobrang dami nating puwedeng gawin para mapaganda pang lalo ang ating mga bahay. Kaya naman, subukan na ninyong mag-ayos. Kung wala naman kayong panahon, puwede namang unti-untiin n’yo lang ang paglalagay ng design. Unti-untiin n’yo lang ang pagpapaganda ng inyong mga tahanan.
Kung maganda at maaliwalas nga naman ang ating inuuwian, sasaya tayo at makapagpapahinga ng maayos. Kaya naman, wala kang dapat na idahilan para hindi mo mapaganda ang bahay mo. Hindi mo rin kasi naman kailangang gumastos ng malaki, dahil sa mga simpleng paraan at bagay, magkakaroon na ng malaking pagbabago ang inyong tahanan. Gaganda na ito sa presyong abot-kaya sa bulsa. CT SARIGUMBA
Comments are closed.