(Gamit, pera ng 7 Chinese kinulimbat) 8 TAUHAN NG CIDG TIMBOG SA KASONG PAGNANAKAW

PAMPANGA-INARESTO ng mga tauhan ng PNP Criminal Investigation and Detection GROUP (CIDG) ang walong pulis na kapwa nila miyembro dahil sa pagnanakaw sa Angeles City sa nasabing lalawigan.

Batay sa ulat ng PNP CIDG, kinilala ang mga naarestong pulis na sina Maj Ferdinand Mendoza, Ssg Mark Anthony Reyes Iral, Ssg Sanny Ric S Alicante, Cpl Richmond P Francia, Cpl John Gervic N Fajardo, Cpl Kenneth Rheiner Ferrer Delfin, Pat Leandro Veloso Mangale at Pat Hermogines A Rosario Jr. na mga nakatalaga sa Anti organized crime unit ng PNP-CIDG sa Angeles City.

Sa inisyal na ulat na nakarating sa Camp Crame, pinasok ng nasabing walong pulis na pawang mga nakasibilyan kasama ang dalawang Chinese at isang Pilipino ang tinutuluyan ng pitong lala­king Chinese at Pinoy na kasama sa bahay sa Missael St., Diamond Subd., Brgy. Balibago, Angeles City.

Nagpakilala ang mga suspek na mga tauhan ng PNP CIDG at nagsagawa umano ng buy bust operation.

Sakto namang nakatanggap ng impormas­yon ang mga pulis na nakatalaga sa PNP CIDG City field unit na may nangyayaring nakawan kaya agad rumesponde.

Pagdating sa lugar nagpang-abot ang mga pulis at nahuli ang tatlo sa walong pulis na sinasabing ay may operasyon sila sa lugar.

Ngunit sa pagsasagawa ng imbestigasyon, natukoy na ninakaw pala ng mga pulis ang mga mahahalagang gamit sa loob ng bahay ng pitong Chinese kabilang dito ang cheke at cash na P300,000.00 at US dollars bills.

Sa ngayon pansamantalang nasa kustodiya ng CIDG Angeles CFU ang mga naarestong suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo. REA SARMIENTO