PINARANGALAN ng pamahalaang lungsod ng Pasig ang 11 tricycle drivers sa ipinamalas na katapatan sa pagbabalik ng mga nawalang gamit, salapi ng kanilang mga pasahero sa loob ng kani- kanilang tricycle.
Ginanap ang pagpaparangal sa Pasig City Hall Quadrangle kamakalawa ng umaga na kung saan pinasalamatan ni Mayor Vico Sotto ang mga tricycle driver at ipinahayag ang kagustuhan na sana’y tularan at magsilbing mabuting ehemplo ang mga ito para sa mga Pasigueño, lalung-lalo na sa mga kabataan.
Bukod pa rito, pinaalalahanan din nito ang lahat na may nakatingin man o wala, kilalanin man o hindi, bigyan man ng award o hindi ay dapat, mabuhay ang bawat isa ng may katapatan tulad ng tricycle drivers.
Bilang pasasalamat ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig, bukod sa Certificate of Appreciation sa mga kinilalang tricycle driver ay nakatanggap din ng food packs at gift certificates na nagkakahalagang P2,000.00.
Ang mga pinarangalang tricycle drivers ay kinilalang sina: Florencio Dialoma (SANSETODA)- Nagsauli ng pera na nagkakahalagang P29,600.00; Randy Dival (VATODA)- Nagsauli ng pera na nagkakahalagang P11,000.00; Nestor Plotado (PCMTODA)- Nagsauli ng pera na nagkakahalagang P11,907.00; Niño Bagacina (PPMARTODA)- Nagsauli ng isang cellphone at pera na nagkakahalagang P7,000.00; Rodel Manansala (SANSETODA)- Nagsauli ng pera na nagkakahalagang P4,600.00; Ireneo San Gaspar (STODA)- Nagsauli ng pera na nagkakahalagang P3,000.00; Arvin Mongaya (EAPPTODA)- Nagsauli ng pera na nagkakahalagang P 2,000.00 at USD 200; Joebert Lariza (SSMTODA)
– Nagsauli ng pera na nagkakahalagang P98,000.00; Raymond Masagca (PMATODA)- Nagsauli ng cheke na nagkakahalagang P400,000.00; Louie Diaz (SANPATODA) – Nagsauli ng cheke na nagkakahalagang P1,300,000.00 at land title at Alfred Evangelista (SSMTODA) – Nagsauli ng cheke na nagkakahalagang P300,000.00. ELMA MORALES