GAMOT SA HIV KAPOS NA

KINUMPIRMA ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) na hanggang sa Mayo na lamang ang natitirang stocks ng antiretroviral medicine, na gamot ng mga may sakit na Human Immunodeficiency Virus (HIV).

Ang pahayag ay ginawa ni DOH spokesperson at Undersecretary Eric Domingo, kasunod ng reklamo ng ilang na-diagnose na may HIV hinggil sa kakulangan umano ng mga gamot para sa kanilang karamdaman.

Sa kabila nito, tiniyak naman ni Domingo, na kasabay ng pagsiguro na minamadali naman ng kanilang HIV/AIDS program ang pag-replenish ng kanilang stocks.

Siniguro rin niya na sa ngayon ay nakatatanggap pa rin naman ng gamot ang lahat ng pasyente ng HIV/AIDS infection.

Gayunman, sa halip na para sa tatlong buwang konsumo, ay pang-isang buwan lamang ang naibibigay nila sa mga ito.

“May natatanggap naman lahat ng gamot. Kaya lang imbes na pang tatlong buwan ang binibigay namin pang isang buwan lang muna para lahat siguradong may gamot,” ani Domingo.

“’Yung stocks kasi ng DOH kasya hanggang Mayo at minamadali pa ng HIV / AIDS program ang pag-replenish ng stocks,” dagdag pa ng health official.

Kumpiyansa rin si Domingo na malaki ang maitutulong ng nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte na Republic Act 11166 o ang Philippine HIV and AIDS Policy Act of 2018, na nag-update at nag-repeal sa Philippine AIDS Prevention and Control Act of 1998, dahil nakasaad sa naturang batas na bibili ang DOH ng gamot para sa mga panga­ngailangan ng mga pas­yenteng may HIV / AIDS. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.