GANADOR

SABONG NGAYON

MGA kasabong, ano ba  ang magandang senyal na dapat nating hanapin sa maga­ling na broodcock?

‘Yan rin ang katanungan na gustong sagutin ng ating ka­sabong mula Baliuag, Bulacan na si ­Bangis Mag-tanggol ng ­Bangis Gamefarm.

“Ako rin dati nung bago ako nagmamanok gusto ko malaman ang sagot diyan,” ang sabi ni Bangis sa kanyang post sa social media.

“Alam kong alam ninyo  na marami nsng sumagot niyan sa mga sabong shows sa mga libro, newspapers, TV, radio at Youtube pero parang ‘di pa rin kayo nasiyahan sa sagot, ano? Mahirap po kasi malaman dahil wala pong senyal talaga, wala po saan mang  parte ng katawan ng manok kayo mag­hanap,” paliwanag pa niya.

Paano nga ba malalaman kung may senyal ang isang manok? Ang basehan, aniya, ay hindi ang broodcock kundi sa resulta ng lahi niya.

“Wala po kasi ‘yan sa kaliskis o kulay ng paa, mata o balahibo ng manok. Wala po ‘yan sa extra daliri or poknat sa ulo o korte ng palong. Lalo higit wala po ‘yan sa kompormasyon ng katawan, tindig, sipit-sipitan na naaayon sa perpektong pananaw ng mananabong. Kahit dispalinghado, ­pangit o baldado kung ganador ang makuha mo, panalo kayo,” ani Bangis.

Ano ba ang ganador? Ayon kay ­Bangis, ang ganador ay isang individual, tandang man o inahin, na nag-aanak ng mga individual na nagpapanalo rin or lamang sa panalo. Genotype po (galing ng manok) ang hanap natin na maipasa hindi ang phenotype o panlabas na anyo.

“Kahit ano pa ang estado nito, nanalo man sa sabungan o hindi pa, pangit man ang hitsura o maganda, matanda man o bata pa, cross man o pure pa, may dipe­rensiya, kapansanan or imperfections pa, basta nagpapanalo  ang inaanak niya, ingatan mo na ‘yun dahil ganador ‘yun. Trial and error po ‘yan sa breeding lang malalaman,” ani ­Bangis.

Ayon pa sa kanya, may dalawang klase ng ganador, ‘yung tinatawag na imminent ganador at prepotent ganador.

Ang imminent ganador ay ‘yung broodcock na may mga matings na proven na.

“Halimbawa nito ay ang magandang record ng crosses ko na Lemon Sweater dati pati na ang Sweater Oakgrove. Pero hindi maganda ang record ng cross na Sweater Karachi noon.  Ang mga imminent ay ‘yung mga individual na may hinahapan ng timpla or nick na kapares  Kapag natag­puan yaon, ay maga­ling talaga ang anak kaya uulit-ulitin lang. ‘Yan ang ginagawa ng ibang farms na kaunti lang ang linyada. ‘Yung mga nicks lang ang mini-maintain nila para sure na lamang sa panalo,” ani Bangis.

Ang prepotent or dominant ganador naman ay ‘yung mga broodcock na nagpapasa ng galing sa mga anak kahit anong inahin ang gamitin mo.

“So far sa farm, dalawa na nakikita ko na ganyan – our original CaraBlade na si Pogi at ang original RazorBlade na si Razor. Pareho silang lahi ng imminent ganador ko na si Bukawel. Pareho rin silang 50% Grey at parehong 3-way cross,” kuwento pa nya.

Aniya, malalaman na ganador ang isang manok sa pamamagitan ng kanilang progeny o sa galing ng mga anak nila gamit ang iba ibang inahin pero parehos pa rin ang galing sa laban.

“Kaya ‘wag po kayo maghanap ng senyal. Patunayan ang galing ng broodcock mo hindi sa kanyang sariling galing mismo kundi sa galing ng anak niyq  sa laban lalo na sa ruweda. Kahit 10x winner pa ‘yan kung hindi nananalo ang anak, hindi yan ganador para sa akin. Hindi po kasi garantya na kapag multi-winner ang broodcock mo ay magpapanalo rin ang mga anak nya,” ani Bangis.

“Pilitin ninyo rin makahanap ng mga orepotent na broodcock. Mas madali ang breeding ‘pag ganyan dahil kahit saan inahin mo ‘yan ipares, malamang na maipapasa niya ang galing nito dahil sa lakas ng dugo niya.

In closing, heto po ang definition ng prepotency sa genetics: “The ability of one parent, variety, or strain to transmit individual traits to an offspring, apparently to the exclusion of the other parent, variety, or strain.”

“Ginto po ‘yan ‘pag nagkaron kayo ng prepotent na broodcock. Ingatan ninyo, mahalin at sikaping maparami ang lahi at makagawa ng iba pang ganador,” ani Bangis.

“Tandaan ninyo, hindi po ito pagandahan ng broodcock kundi padamihan ng panalo ng palahi. ‘Yan po ang tanging basehan ng magaling na ganador,” pagtatapos niya.