GANDANG INAASAM-ASAM MAKUKUHA SA NATURAL NA PARAAN

OATMEAL-1

(Ni CT SARIGUMBA)

PAGPAPANATILI ng kagandahan, isa iyan sa parati nating iniisip. Kaya marami sa atin ang gumagamit ng kung ano-anong produkto para lang makuha ang gandang kanilang inaasam-asam.

Ngunit ang pagpa­panatili ng kagandahan ay hindi lamang nakukuha sa mga produkto o kemikal na ating nabibili sa tindahan kundi may mga natural na paraan na maaari nating gawin. Isa na nga rito ay ang paggamit ng oatmeal.

Isang uri ng grain ang oatmeal. Kadalasan ay kinakain natin ito sa agahan. Puwede itong samahan ng honey at pasas. Puwede rin ng mga prutas gaya ng saging.

Marami ring benepisyo ang naibibigay ng oats. Nakapagpapababa ito ng timbang at nakatutulong sa malusog na puso.

Napatunayan na ang araw-araw na pagkain ng oatmeal ay nakapagpapababa ng cholesterol dahil sa soluble fiber content nito. Ang beta-glucan na matatagpuan sa oat ay nakatutulong din upang maiwasan ang tiyansa sa sakit sa puso.

Ngunit bukod sa masarap itong kainin, isa rin itong popular na sangkap upang mapanatili ang makinis na balat. Mainam ang oats upang malunasan ang pagka­irita o tuyong balat dahil sa taglay nitong skin-soothing properties na maaaring gamitin bilang scrub, cleanser, mask at maraming pang iba.

Kaya naman, para mapanatiling maganda at makinis ang balat sa pamamagitan ng natural na paraan, narito ang ilan sa puwedeng subukan:

OATMEAL MASK

Isa sa mainam na gamitin upang mawala ang blackhead ay ang paggamit ng oatmeal mask.

Para makagawa nito, pagsamahin lang ang 4 na kutsarang warm water at 3 kutsarang oatmeal. haluin itong mabuti.

Kapag nahalo na itong mabuti ay maaari na itong ilagay sa mukha. Siguraduhing pantay ang pagkakalagay sa buong mukha.

Hayaan lamang ito na nasa mukha sa loob ng 20 minuto. Pagkalipas ng 20 minuto, maaari na itong banlawan.

Kaysa nga naman ang gumastos tayo ng mahal para lang sa pagbili ng mask para matanggal ang blackheads, bakit hindi na lang tayo gumawa.

OATMEAL YOGURT MASK

Bukod sa oatmeal mask para sa blackheads, isa pa sa magandang gawin ay ang Oatmeal Yogurt Mask.

Pagsamahin lang ang 2 kutsara ng oatmeal,3 kutsara ng yogurt, I kutsara ng olive oil at ilang patak ng lemon juice.

Bago ito gamitin ay hugasan munang mabuti ang mukha at saka patuyuin. Pagkatapos ay i-rub ang mask sa buong mukha sa loob ng 10 minuto. Pagkalipas ng 10 minuto, banlawan na ito gamit ang maligamgam na tubig.

OATMEAL EXFOLIATING MASK

Mahalaga rin ang paggamit ng exfoliating mask. Isa ito sa mahalagang aspeto ng home skincare routine hindi lamang sa mukha kundi maging sa buong katawan.

Mainam din ang exfoliation upang mapa-improve ang blood circulation na nagiging daan sa pagkakaroon ng healthy at glowing skin.

Sa paggawa naman ng Oatmeal Exfoliating Mask, ang mga kakaila­nganin ay ang ½-cup dry cornmeal, ½-cup dry oatmeal at maligamgam na tubig.

Ilagay lamang sa blender ang mga sangkap. I-blend ito hanggang sa makagawa ng paste.

Kapag nakagawa na ng paste ay maaari na itong i-apply sa mukha. Dahan-dahan lamang ang gawing paglalagay sa mukha. Maaari itong gawin ng dalawang beses sa isang linggo.

OATMEAL SCRUB

OATMEAL-3Sa paggawa naman ng oatmeal scrub, ang mga kakailanganin ay ang 2 kutsara ng ground oats, 2 tsp. brown sugar, 1 tsp. lemon juice at 2 kutsarang aloe vera.

Paghalu-haluin ang lahat ng mga sangkap at ipahid sa basang balat. Marahan ding i-massage ito sa mukha. Maghilamos ng maligamgam na tubig pagkatapos.

OATMEAL  BATH

Para naman makagawa ng Oatmeal Bath, ang mga kakailanganin naman ay ang ½ cup rolled oats, ¼ cup powdered milk at 2 kutsarang honey.

Ilagay ang lahat ng mga sangkap sa isang tela at isabit sa gripo. Sa pamamagitan nito, mailalagay ang katas ng mga sangkap sa iniipong tubig pampaligo. Isa na rin itong paraan upang ma-relax ang katawan.

Hindi nga naman kailangang gumastos pa ng mahal para lang ma­panatili ang kagandahan. Marami nga namang simple at natural na pa­raan nang ang gandang inaasam-asam ay makamit sa murang halaga.

Comments are closed.