MABILIS na pinatutunayan ni Vanie Gandler na ang kanyang maningning na rookie season sa Premier Volleyball League (PVL) ay hindi tsamba.
Sa unang laro ng Cignal sa 2024 All-Filipino Conference noong nakaraang Sabado ay nagbuhos ang dating Ateneo star spiker ng game-high 19 points sa 17 attacks, isang ace, at isang block upang tulungan ang HD Spikers na dispatsahin ang Akari Chargers sa apat na sets.
Sa koponang pinangungunahan ng mga beterano tulad nina dating PVL Most Valuable Player Ces Molina at top off-season recruit Dawn Macandili-Catindig, ang batang si Gandler ang kuminang bagama’t ipinahinga siya sa mga huling sandali.
“It feels good, of course, because our preparation time was very short, but I’m happy that the team was able to come together,” sabi ng Cignal rising star matapos ang kanilang 21-25, 25-18, 25-12, 25-18 panalo laban sa Akari noong Sabado sa Araneta Coliseum.
“After the first set, it’s normal first-game jitters. but I could see how much we all want it.”
Para sa kanyang standout performance, si Gandler ay napili ng newly-formed PVL Press Corps bilang unang Player of the Week ng season para sa period na February 20-24.
Tinalo niya sina Tots Carlos ng Creamline, PLDT’s Savie Davison, Chery Tiggo’s Mylene Paat, Petro Gazz’s Nicole Tiamzon, at Mars Alba ng Choco Mucho para sa weekly award na ipinagkakaloob ng mga reporter na regular na nagko-cover ng PVL beat.