NAGLABAS na ng sertipikasyon ang anim na bangko para pabulaanan ang bank accounts na iniuugnay kay Comelec Chairman George Erwin Garcia.
Ito ay matapos ang kanyang isinumiteng request letter sa limang kilalang bangko sa bansa.
Ayon kay Garcia, nais niyang pasinungalingan ang mga dokumento na isinumite sa Comelec ni dating Caloocan Representative Edgar Erice.
Batay sa ipinadalang sulat ng isang kilalang bangko, sinabi nito na hindi totoo ang bank information na iniuugnay kay Garcia.
Inakusahan si Garcia na tumanggap ng malalaking halaga para aprubahan ang kontrata sa Miru System na isang Korean na service provider ng automated counting machine sa halalan sa susunod na taon.
Samantala, nahigitan ng Commission on Elections ang kanilang target na tatlong milyon sa mga bagong nagparehistro para sa 2025 national at local elections.
Ayon sa datos ng Comelec, mayroong kabuuang 4,565,405 ang naitalang bagong botante.
Nanguna ang Calabarzon sa may pinakamaraming bagong nagparehistro na may mahigit 700,000 na sinundan ng National Capital Region na mayroong mahigit 600,000 at Central Luzon na mayroong mahigit kalahating milyon.