NANAWAGAN si House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin nitong Huwebes na huwag siraan ang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP), kung saan inilarawan niya ito bilang isang lehitimo at marangal na hakbangin na naglalayong tulungan ang mga mahihirap na manggagawa na makayanan ang mga epekto ng pandemya.
Sa isang press conference, ikinalungkot ni Garin na nagiging collateral damage ang AKAP sa nagpapatuloy na tensyon sa pagitan ng Senado at Kamara hinggil sa pag-amyenda sa economic provisions ng Saligang Batas, kung saan sinabi ni Sen. Imee Marcos na ginagamit ang programa para hikayatin ang mga indibidwal na suportahan ang people’s initiative na naglalayong amyendahan ang 1987 Constitution.
“We respect the wisdom of the Senate, but we also have to stand up because we cannot continue maligning good projects,” giit ni Garin.
Binigyang-diin ni Garin na maaaring makasira sa reputasyon ng AKAP ang mga walang basehang akusasyon at magdudulot ito ng hindi pagkakaunawaan sa publiko.
Iginiit din niya na mahalaga ang AKAP para sa mga indibidwal na dumaranas ng hirap at binigyang-diin ang papel nito sa pagtulong sa mga manggagawang nakararanas ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
“Ang pag-malign na ito ay posibleng magkaroon ng taint at magkaroon ng maling pag-intindi ‘yung ating mga kababayan. So, uulitin natin ‘yung AKAP ay hindi siya hao-siao. Ang AKAP ay tulong sa mga taong kinakapos ang kita. Ang AKAP ay tulong para ‘yung mga empleyadong nahihirapan sa pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin ay hindi natin ipapasa lang ng buo ang burden sa kanilang mga employer,” paliwanag ni Garin.
“In our country, we can survive if we help each other. The Philippines has one of the happiest people in the world, and let us make that happy feeling, the adrenaline, and the anchor to work together, help each other survive these trying times and prove to the world that we are a resilient country,” ipinunto pa niya.
Kinilala rin niya ang pagsisikap ng House of Reresentatives’ contingent sa bicameral conference committee sa 2024 national budget para sa aktibong paghahanap ng mga paraan upang magtatag ng mga programa na naglalayong magbigay ng pansamantalang tulong pinansyal o supplemental income para sa mga minimum wage earners.
“That is why the government and the House leadership ay talagang naghanap ng paraan para magkaroon ng programa ang gobyerno na magbibigay ng pansamantalang pantawid or dagdag sa kanilang kita kasi sila nga ay minimum wage earners habang naghihingalo tayo sa epekto ng pandemya,” ani Garin.
Umapela rin ang mambabatas ma wakasan ang nagiging sagutan sa pagitan ng Senado at Kamara, na binibigyang-diin na ang naturang mga salungatan ay hindi lamang nag-aaksaya ng pera ng mga nagbabayad ng buwis kundi naglalagay rin ng negatibong halimbawa para sa publiko.
Ipinahayag niya ang kanyang pagkadismaya sa mga hindi mahalagang salungatan ng Kamara at Senado.
“Kaya dapat talagang ihinto ‘yung pag-aaway na ito kase it’s not only a waste of taxpayers’ money, it’s also a bad example that we are showing to our people,” ayon kay Garin.
Kasabay nito, tinuligsa ni Garin ang mga alegasyon na nagmumungkahi ng maling paggamit ng mga pondo na may kaugnayan sa AKAP, at iginiit na ang naturang mga claim ay walang batayan at nagpapahina lamang sa kredibilidad ng programa.
“So it’s talagang medyo… walang .0001% of probability ng truth,” sinabi ni Garin.
Iginiit pa ni Garin ang mga hamon na kinakaharap ng mamamayang Pilipino sa gitna ng pandemya, ang pangangailangan para sa mas komprehensibong mga hakbang upang mausportahan ang kanilang pagbangon.
Binanggit din niya ang sari-saring epekto ng health crisis, at ang masamang epekto nito sa kalusugan ng publiko at ekonomiya.
“We are not yet done with the effects of the pandemic. The initial effect of a pandemic will be health, immediate health problems. After that will be secondary health problems and economic challenges, ‘yan po talaga ang nangyayari,” paliwanag ni Garin.
Batay sa kanyang karanasan bilang mambabatas, binanggit ni Garin ang mga sentimyento na ipinahayag ng mga ordinaryong Pilipino sa mga pagbisita kamakailan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa iba’t ibang rehiyon.
Binanggit rin niya ang mga suliranin ng publiko ukol sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Inilarawan ni Garin ang papel ng gobyerno sa pagpapagaan ng kalagayan ng mga manggagawa at maliliit na negosyante.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagputol ng red tape at pagpapatupad ng mga programa upang magbigay ng pansamantalang ginhawa sa mga apektadong indibidwal at negosyo.
“Dapat ang gobyerno ay sumaklolo sa ating taongbayan… Kailangan na nating tulungan ang mga negosyante by cutting red tape at ginagawa nga ‘yan,” ani Garin.