GATA NG NIYOG PAMPAGANDA NA, PAMPAHABA PA NG BUHAY

niyog gata

Gusto ng marami ang coconut milk o gata ng niyog dahil sa kanyang rich, creamy texture at masarap na lasa. Gamit na gamit ito sa mga pagkaing Bicolano, lalo na ang Bicol Express. Actually,  sa Bata­ngas din, partikular ang aming tulingang pinangat sa gata.

Pero alam ba ninyong hindi lamang ito masarap?

Malaking tulong din ang coconut milk sa ating health and wellness. Sa katunayan, ginagamit na itong pamalit sa dairy based milk bilang vegan milk alternatives (with exemption syempre ng soya milk), kaya sa totoo lang, sikat na sikat na ngayon ang coconut milk sa mga health enthusiasts.

Kasi naman, napatunayang kumpleto ito sa essential vitamins and minerals. Mayroon itong manganese, copper, at magnesium, na kailangan sa iba’t ibang functions ng katawan. Ang manganese na para sa bone health and metabolism, copper para sa red blood cell formation, at magnesium para sa muscle function at nerve transmission.

Suportado ng medium-chain triglycerides (MCTs) sa gata ng niyog — lalo na ng lauric acid — ang kalusugan ng ating puso. Pinagaganda ng MCTs ang cholesterol level sa pagpapadami ng high-density lipoprotein (LDL) cholesterol,  na nagpapababa naman ng risk sa heart disease.

Ang coconut milk ay mayaman din sa lauric acid, isang uri ng MCT na may antimicrobial properties.

Nakatutulong ang lauric acid na palakasin ang ating immune system sa pamamagitan ng paglaban sa mapanirang bacteria, viruses at fungi, kaya magandang idag­dag ang gata sa diet kapag panahon ng tag­lamig.

Hindi lamang iyan! Nakatutulong din ang gata sa indigestion. Pinagaganda nito ang nutrient absorption at pinananatili ang healthy gut environment.

Dagdag pa dyan, ang pagkakaroon ng medium-chain fatty acids ay makatutulong sa mga digestive issues tulad ng impatso at iba pa.

Nakatutulong din ang coconut milk para mapaganda ang buhok at balat dahil mayroon itong Vitamins C and E. Mas maganda kung ilalagay ito direkta sa buhok at balat, gata man o langis na. Kung gusto ninyo ng halimbawa, ako mismo iyon. Sa gulang na 64 anyos ay hindi pa ako gumagamit ng pangkulay sa buhok, dahil natural na maitim at makapal ang aking kulot na buhok. Salamat sa palagiang paggamit ko noon ng langis ng niyog, kahit pa sinasabihan nila ako noong amoy latik. At least,  may makapal na buhok pa ako ngayon, habang ang karamihan sa kanila ay panot na.

Sa pag-inom ng gata ng niyog, bumibilis ang ating metabolismo, kaya nagkakaroon tayo ng mabilis at efficient source of energy.

Kaiba sa mahabang proseso ng fatty acids, madaling ma-absorb ng katawan ang MCTs para maging enerhiya, kaya nga pinakamaganda talagang energy booster ang coconut milk kapag may physical activity.

At ang magandang balita, hindi nakakataba ang gata ng niyog. Kung isasama mo ang coconut milk sa iyong diet, baka nga pumayat ka pa. Nakatutulong kasi ito para makaramdam ka ng satiety kaya mababawasan ang calorie intake mo — busog ka kasi! At dagdag pa diyan, hindi ka mang­hihina. Energy booster nga kasi ang MCTs sa coconut milk.

Isa pa pala! Para dun sa mga hindi pwede sa gatas o mga lactose intolerant, swerte nyo. Lactose free ang coconut milk, pero kung ano ang vitamins and minerals na meron sa gatas, meron din ang gata — and more, dahil may vitamins C and E nga ito na wala naman sa milk. Napakagandang milk alternative na wa­lang lactose at casien.  Yun lang nga, hindi ko maipapayong ipadede ito sa sanggol. Kung baby, mas maganda ang soya milk.

Taglay ng coconut milk ang mahahalagang nutrients tulad calcium at phosphorus na mahalaga sa pagpapatibay ng buto. Sa palagiang pag-inom nito, makakaiwas tayo sa osteoporosis.

Napakarami pang benepisyo sa pag-inom ng isang baso ng gata ng niyog araw-araw, ngunit kulang ang espasyo. Pero sana, pakinggan ninyo ang payo ko, dahil gaganda na kayo, hahaba pa ang buhay ninyo.

Nenet Villafania