INANGKIN ni Coco Gauff ang 2023 US Open women’s singles title makaraang dispatsahin si Aryna Sabalenka ng Belarus, 2-6, 6-3, 6-2, sa finals noong Sabado.
Kinuha ni Sabalenka ang first set sa kabila ng pagmintis sa ilang krusyal na break points sa kaagahan ng laro sa Arthur Ashe Stadium sa New York City.
Subalit pagkatapos nito, bumawi ang young American at kinuha ang sumunod na dalawang sets.
Nakopo ng 19-year-old ang kanyang maiden Grand Slam sa kanyang ikalawang major final, makaraang matalo sa 2022 Roland Garros (French Open) final kay Polish Iga Swiatek, 6-1, 6-3.
“I feel like I’m in shock at this moment,” sabi ng emosyonal na si Gauff matapos ang panalo. “God puts you through tribulations and trials, and that makes this moment sweeter than I would have imagined.”
Pinasalamatan niya ang kanyang pamilya, ang kanyang team, at ang mga taong hindi naniwala sa kanya.
Sa panalo, si Gauff ay naging ikatlong American teenager na nagwagi ng US Open title, kasama sina Serena Williams at Tracy Austin. Nakatakda siyang umangat sa No. 3 sa WTA singles rankings, at co-No. 1 sa doubles kasama si compatriot Jessica Pegula.
Nabigo si Sabalenka, nanalo sa 2023 Australian Open at magiging world’s top-ranked tennis player sa Lunes, sa kanyang pagtatangka na masungkit ang kanyang ikalawang major sa 2023.