BAGUIO CITY – TAMPOK sa pagdiriwang ng ika-120 founding anniversary ng Philippine Military Academy (PMA) sa Fort del Pilar ang paggagawad ng parangal ng United States of America sa mga Filipino war veterans na balikatan nilang nakasama na nakipaglaban sa Japanese Imperial Army noong World War 2.
Sa pagdiriwang ay pinarangalan ng pamahalaan ng Estados Unidos ang mga Filipinong beterano na naging katulong nila sa pakikipaglaban noong World War II sa pamamagitan ng pagkakaloob ng US Congressional Gold Medal.
Mismong si US Ambassador to the Philippines Sung Kim ang nagkaloob ng nasabing medalya sa mga beterano sa awarding ceremony kasabay ng ika-120 taong Founding Anniversary ng Philippine Military Academy.
Nabatid na ang US Congressional Gold Medal ang pinakamataas na civilian award na ibinibigay ng Amerika at iginawad ito sa mga beteranong Filipino sa World War II na nagsilbi sa ilalim ng United States Army particular sa United States Armed Forces in the Far East (USAFE).
Bunsod nito ay sinasabing kinikilala ng medalya ang sakripisyo at serbisyo ng aabot sa 260,000 na beteranong Filipino sa World War II.
Naging emosyunal naman ang mga beterano at mga kapamilya ng mga war veterans sa kanilang pagtanggap sa medalya.
Batay sa tala, 27 ang pinagkalooban ng US Congressional Gold Medal na pawang naka-base sa Hilagang Luzon ngunit apat sa mga ito ang namatay na.
Kasama sa mga binigyan ng nasabing medalya sina Cpl. Rizalino Balangcod Alingbas ng Benguet; Sgt. Angelo Viloria Andrada ng Baguio City; 2Lt. Wilfredo Valdez Estandian ng Benguet; General Vicente Lim; Lt. Col. Pastor Martelino; 1Lt. Francisco Alafriz Paraan ng Baguio City; Cpl. Cato Dampas Pulac ng Benguet; 3Lt. Jose San Juan; Maj. Jaime Munar Tabernero ng La Union; Cpl. Jose Flores Tadifa ng La Union at si SSgt. Jose Amuguen Tiangao ng Benguet.
Ang iba pang awardees ay may ranggong private at private first class na mula sa United States Armed Forces in the Philippines-Northern Luzon, United States Army Forces in the Far East, Military Police Company, Marking’s Fil-American Troops, 7th Military District-Negros, Benguet Constabulary Command, First Independent Guerrillas at 4th Regiment Bicol Brigade. VERLIN RUIZ