WALANG plano ang Simbahang Katolika na suspendihin ang mga gawaing simbahan sa bansa, partikular na sa nalalapit na pagsapit ng panahon ng Kuwaresma sa susunod na linggo.
Ito’y kahit pa una nang nagsuspinde ng misa at mga gawaing pangsimbahan ang Diocese ng Hongkong at Archdiocese ng Singapore dahil na rin sa banta ng 2019 Coronavirus Disease o COVID-19.
Ayon kay Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) Vice President at Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, wala silang nakikitang pangangailangan upang magsuspinde rin ng mga gawaing simbahan sa Filipinas.
Gayunman, tiniyak ng Obispo na magsasagawa naman sila ng mga kaukulang pag-iingat laban sa sakit.
“Itong darating na Kuwaresma, hindi naman natin kakanselahin ang mga misa, ang ating mga pagdiriwang, pero meron tayong mga kaunting pag-iingat na gagawin,” ani David, sa panayam ng church-run Radio Veritas.
Aniya, kabilang dito ang hindi na muna pagpapahid ng abo sa noo ng mga mananampalataya sa Ash Wednesday, na gaganapin sa Pebrero 26, bilang hudyat nang pagsisimula ng panahon ng Kuwaresma.
Ayon kay David, sa halip ang pagpapahid ng abo sa noo ay maaaring ibudbod na lamang ang abo sa bumbunan ng mananampalataya.
Hindi rin naman aniya nila inirerekomenda ang paglalagay ng ‘agua bendita’ sa mga lalagyan sa bukana ng simbahan.
Sa halip ay wiwisikan na lamang umano ng mga pari ang mga mananampalataya ng holy water upang sila ay mabendisyunan. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.