GAWILAN BIGONG MAKA-PODIUM SA FREESTYLE SA PARALYMPICS

BIGO si Ernie Gawilan na maka-podium makaraang tumapos sa sixth place sa walong kalahok sa men’s 400m freestyle S7 finals round sa 2024 Paris Paralympics Lunes ng gabi sa Paris La Defense Arena.

Si Gawilan ay naorasan ng 5 minuto at 3.18 segundo upang tapusin ang kanyang ikatlong Paralympics stint.

Nagpamalas si Federico Bicelli ng Italy ng clutch performance, kinuha ang top spot sa 300m-mark tungo sa gold medal matapos ang impresibong 4:38.70 finish.

Inangkin ni Andrii Trusov ng Ukraine ang silver sa oras na 4:40.17 habang nagtala si Inaki Basiloff ng Argentina ng 4:40.27 para sa bronze medal, kung saan tinalo niya si Evan Austin ng USA na nanguna sa preliminary round subalit pumang-apat lamang sa finals.

Si Gawilan, pumangatlo sa eliminations, ay sumabak sa dalawang events. Sumalang din siya sa men’s 200m individual medley subalit tumapos na kulelat sa field.