GAWILAN, GANAPIN SASALANG NA SA PARALYMPIC GAMES

PARIS – Sasalang na sina veteran para swimmer Ernie Gawilan at para taekwondo jin Allain Ganapin sa kani-kanilang events sa 17th Paris Paralympic Games sa magkahiwalay na venue dito ngayong Sabado.

Sasabak sa quadrennial sportsfest sa ikatlong sunod na pagkakataon, sisimulan ni Gawilan, 33, ang kanyang kampanya sa multi-purpose La Defense Arena sa heats ng men’s individual 200-meter individual medley SM7 race sa alas-11:20 ng umaga (5:20 p.m. sa Manila).

Sakaling makapasok sa cut ang Hangzhou Asian Para Games gold medalist, sasabak siya sa finals sa alas-7:59 ng gabi (1:59 a.m. sa Manila) sa stint na suportado ng Philippine Sports Commission (PSC).

“Our main aim is to make it to the finals Saturday evening, and we will see how Ernie will fare from there,” wika ni national para swimming head coach Tony Ong.

Sa wakas ay magkakaroon na ng pagkakataon si Ganapin, 26, na ipamalas ang kanyang kahusayan sa malaking sports stage na ito makaraang ma-sideline ng COVID-19 bago lumahok sa Tokyo edition ng meet, tatlong taon na ang nakalilipas nang ang sport ay unang nilaro sa Paralympic Games.

Sisimulan ng one-armed Marikina native ang kanyang kampanya sa first round ng men’s 80-kilogram division sa Grand Palais, na matatagpuan malapit sa iconic Eiffel Tower, sa alas-4 ng hapon (12 a.m. Linggo sa Manila) kontra Aghan Hassanzada Hadi, na dadalhin ang bandila ng Refugee Paralympic Team.

Sakaling makalusot sa kanyang Afghan rival, si Ganapin ay mapapalaban kay Azerbaijan’s Abulfaz Abuzarlia, na nanalo ng gold medal sa parehong weight class sa World Taekwondo Grand Prix sa Taiyuan, China noong nakaraang taon.