GAWILAN MULING MAGTATANGKA SA MEDALYA SA PARALYMPICS

PARIS — Gagawin ni Para swimmer Ernie Gawilan ang lahat sa kanyang farewell event sa 17th Paralympic Games.

Si Gawilan ay hindi nakapasok sa medal race ng men’s 200-meter individual medley SM7 at sisikapin niyang makabawi sa nasayang na pagkakataon sa 400m freestyle S7 race ngayong Lunes sa Paris La Defense Arena dito.

Siya ang pinakamahusay sa Asia sa naturang event, kung saan dalawang beses siyang nagwagi ng gold medal sa 2018 Asian Para Games sa Jakarta, Indonesia at sa 2022 edition sa Hangzhou, China.

“Maayos ang pakiramdam ko. Bigay todo na ako dito,’’ sabi ni Gawilan, na deformed ang dalawang binti at kaliwang braso.

Pumang-anim siya sa kanyang heat sa 200m IM preliminaries, at bigong makapasok sa medal round.

Si Gawilan, isang four-time Asian Para Games gold medalist, ay ka-grupo nina Argentina’s Inaki Basiloff, Ukraine’s Andrii Trusov,

Cuba’s Yosjaniel Hernandez Velez at Yurii Shenhur, isa pang Ukranian, sa 400m freestyle.

Naungusan ni Basiloff si Trusov para sa gold medal sa kanilang 200m IM encounter noong weekend.

Sinabi ni Para swimming coach Tony Ong na inaasahan niyang mag-qualify si Gawilan sa 200m IM final subalit nagkaroon ng mga problema sa breaststroke
sequence ng event.

“Anyway, we tried to use this event as part of the tuneup for his favorite event, the 400m free on Monday,’’ ani Ong.
Sakaling makalusot si Gawilan sa heats, ang medal race para sa 400m free ay gaganapin sa Martes ng umaga.
Sa pagpasok ng Games sa halfway mark, ang Pilipinas ay may apat pang atleta na may kakayahang magbigay ng medalya sa kampanya ng bansa na pinangasiwaan ng Philippine Paralympic Committee at suportado ng Philippine Sports Commission.

Sisimulan ni Para swimmer Angel Mae Otom ang kanyang kampanya sa women’s 50m backstroke S5 sa Martes at muling tutuntong si wheelchair racer Jerrold Mangliwan sa Stade de France para sa qualifying heats ng men’s 100m T52 race sa Huwebes.

Si Otom, triple-gold medalist sa 2023 Asean Para Games, ay muling magtatangka sa medalya sa women’s 50m butterfly S5 sa Biyernes.

Tatapusin naman ni Cendy Asusano ang kampanya ng bansa sa women’s javelin throw F54 sa Sabado.