NANAWAGAN, este naglabas ng press release si opposition Sen. Risa Hontiveros na inuudyok ang Armed Forces of the Philippines na gawin ang lahat upang makamit ang hustisya at mahuli ang mga sangkot sa pagsabog ng bomba noong Linggo sa Mt. Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu. Dagdag pa ni Hontiveros na siguruhin ng AFP at PNP na hindi na ito mauulit na maaring magbigay panganib sa mga kababayan natin, hindi lamang sa Mindanao, kundi sa buong Filipinas.
Naks! Ang ganda ng press release ni Senadora. Subali’t kung ating aaralin nang husto ang kanyang pahayag, aba’y ito naman talaga ang gagawin ng ating pamahalaan matapos ang karumal-dumal na pangyayari sa Jolo kung saan maraming inosenteng Filipino ang namatay at nasugatan dulot ng baluktot na kaisipan ng kung sino man ang responsable rito.
Dagdag pa ni Hontiveros na ang nasabing pag-atake sa Simbahang Katoliko ay hindi sana makasira sa plano ng ating bansa upang makamit ang tunay na kapayapaan sa Mindanao sa pamamagitan ng Bangsamoro Oranic Law.
Ang payo ko lamang sa senadora ay kausapin niya ang kanyang media staff at mag-isip naman ng kaunting lalim sa mga nais nilang ipalabas sa media. Sa totoo lang, mas lumalabas na trapo si Hontiveros sa pahayag na ito. Dahil ang sinabi ni Hontiveros ay siyang gagawin ng ating gobyerno maski hindi na niya sabihin ito. Hindi po ba? Haler!
Dito ako minsan napapailing sa mga ilang lumalabas na balita. Minsan nga ay napapaisip ako kung bakit pinapatulan pa ng media ang mga ganitong klaseng press release! Mas magandang balita sana ay kung si Sen. Hontiveros ay kondenahin ang nasabing aksiyon at utusan ang Commission on Human Rights upang magsagawa ng aksiyon tungkol dito.
Para sa akin, ‘lumang tugtugin’ na ang mga ganitong press release. Buti sana kung walang ginagawa ang ating kapulisan o militar laban sa mga rebeldeng grupo ng ating bansa. Nakita natin kung gaano kaseryoso ang ating pamahalaan upang supilin ang mga rebelde sa Mindanao.
Natatandaan ninyo pa ba kung ano ang ginawa ng pamahalaan ni Duterte nang kubkubin ng Maute Group ang Lanao del Sur at nais nilang gawing kasapi ng Islamic State of Iraq and Syria o ISIS? Hindi ba’t nagbuwis ng buhay ang ating mga kasundaluhan upang mapalaya ang nasabing lugar laban sa Maute Group?
Walang Filipino, pati na ang buong mundo na matino ang pag-iisip, ang matutuwa sa nangyari sa pagsabog ng simbahan sa Jolo. Pati ang ating Santo Papa ay kinondena ang nangyari roon. Si Pangulong Duterte ang napabalitang galit na galit sa nasabing pangyayari. Kaya hindi na kailangan ng isang oposisyon na magbigay ng ganitong klaseng pahayag at utusan na gawin ang lahat upang makamit ang hustisya sa mga biktima. Sa ganitong kalidad ng krimen na barbariko, ang makabayang damdamin ng ating kasundaluhan ang iiral dito. Hindi na kailangang sabihin sa kanila ito. Pasensiya na po… pero ang tawag ko rito sa pahayag ni Sen. Hontiveros ay basura.
Comments are closed.