Paano nga ba natin magagawang espesyal ang bawat pagkaing ihahanda natin sa ating pamilya? Kailangan bang mahal ang mga sangkap na ating gagamitin? Paano rin ba tayo makatitipid sa pagluluto nang hindi naisaalang-alang ang ating kapakanan at kaligtasan ng ating pamilya?
Dahil espesyal ang ating mga mahal sa buhay, nais din natin silang handaan ng espesyal na putahe. Kaya naman, para maging espesyal ang inyong lulutuin, narito ang ilang tips na kailangan ninyong isaalang-alang sa pag-iisip ng mga ihahanda:
PLANUHIN ANG MGA LULUTUIN
Kung araw-araw kang mag-iisip ng iluluto para sa pamilya, talagang mauubusan ka ng ideya. Kayhirap nga namang mag-isip ng iba’t ibang putaheng hindi pagsasawaan ng buong pamilya. At dahil minsan ay kinatatamaran na natin ang pag-iisip, kung ano na lang ang nasa ating ref o kung ano ang available ay iyon na lang ang iluluto natin nang hindi man lang iniisip kung healthy ba ito o magugustuhan ng pamilya.
Kaya para maging espesyal ang lahat ng iyong lulutuin, planuhin ang mga gusto mong ihanda sa iyong pamilya. Kung nakaplano nga naman ang iyong lulutuin ay mapaghahandaan mo ito at mas mapasasarap.
SIMPLENG PAGKAIN, PUWEDENG MAGING ESPESYAL
Kahit na simple lang ang isang putahe, nagiging espesyal ito lalo na kung pinaghihirapan natin. Kung tayo nga naman ang nagluto, mas masasarapan ang ating pamilya kumpara sa mga pagkaing inorder o pina-deliver lang natin.
Kaya next time, ikaw na mismo ang magluto at iwasan ang pagpapa-deliver. Mas healthy at makatitipid ka rin kung ikaw na mismo ang magluluto.
PILIIN ANG MGA PAGKAING MAINAM SA KATAWAN
Hindi lamang din dapat masarap ang ihahanda natin sa ating pamilya. Kailangang healthy rin ito. Sa pagpaplano ng mga lulutuin, siguraduhing bukod sa masarap ay healthy ang mga ito.
Para magkaroon ng ideya ay maaaring gawing batayan ang mga recipe book.
Kailangan ding balansehin natin ang pagkaing inihahanda natin sa ating pamilya. Iwasan ang mga matataba at maaalat na pagkain.
SUBUKAN ANG IBA’T IBANG LUTUIN
Isa rin sa maa-appreciate ng iyong pamilya ay kung magluluto ka ng mga pagkaing kakaiba o bago. Iyong tipong hindi pa nila natitikman.
Para hindi pagsawaan ng pamilya ang inihahanda, subukang mag-eksperimento ng iba’t ibang lutuin. Maaari kang mag-check sa cook book. Puwede rin naman sa internet. Sa ngayon, napakaraming choices ang puwede mong subukan sa pagluluto.
BILHIN LANG ANG MGA KAILANGAN
Hindi naman kailangang tipirin natin ang ating pamilya para lang masabing nakapagtipid tayo sa gastusin o sa pagkaing ating ihahanda sa kanila. Sa ngayon na patuloy na tumataas ang mga bilihin, talagang mahihirapan tayong mag-budget.
Gayunpaman, hindi naman kailangang tipirin natin ang ating pamilya lalo na sa nutrisyong kailangan nila. Mainam gawin para masigurong mapakikinabangan ang lahat ng mga bibilhing pagkain at gulay ay ang paggawa ng listahan ng mga kakailanganin o lulutuin. Bago magtungo sa pamilihan, siguraduhing may listahan nang maiwasang bumili ng mga gamit o bagay na hindi naman kakailanganin.
ISIPIN ANG MGA PAGKAING GUSTO NG PAMILYA AT IYON ANG IHANDA
Sa kabila ng kaabalahan ng maraming Nanay, napakaimportante pa rin ng pagluluto ng masasarap at masusustansiyang pagkain. Isaalang-alang din ang mga pagkaing paborito ng iyong pamilya at lagyan ito ng twist. Kumbaga, i-upgrade ang nasabing lutuin para maging espesyal ito at lalong katakaman ng mga mahal sa buhay.
HUWAG MAGLULUTO NG SOBRANG DAMI
Nasanay na ang marami sa atin na kapag nagluto, tila isang barangay ang pakakainin. Sabi nga ng marami, mas maigi na nga naman iyong sobra kaysa sa kulang.
Gayunpaman, kung sobra-sobra ang iluluto at hindi ito makakain, pagsasayang lang ito ng pera. Hindi rin naman makatutulong sa atin na sa kabila ng tumataas na bilihin at maraming nagugutom sa mundo ay magsasayang tayo ng pagkain.
Kung nasanay kang magluto ng pagkarami-rami, sa susunod ay iwasan na ito nang makatipid at maiwasan ang pagtatapon ng pagkain.
Sa panahon ngayon na sobrang mahal ng mga bilihin at bayarin, kailangan nating magtipid. At para makatipid hindi rin naman kailangang isaalang-alang natin ang nutrisyon o pagkaing ihahanda natin sa ating pamilya.
Kumbaga, may mga simpleng paraan pa rin naman para maging espesyal ang bawat putaheng ihahanda natin sa ating pamilya. May mga simpleng paraan din upang makatipid. (photos mula sa google) CT SARIGUMBA
Comments are closed.