TRAFFIC! Normal iyan ngayon. Asahan mo na ang bumper to bumper na pila ng mga sasakyan sa kalsada sa Metro Manila.
Normal na ang makarinig ng maiingay at sunod-sunod na busina ng mga nagmamadaling motorista, ang mga motorsiklong lulusot kung saan may lulusutan at sisingit kung saan may masisingitan, at ang dagsa ng mga nag-uunahan at nagbabalyahang mga pasahero para makasakay sa siksikang bus at dyip patungo sa kani-kanilang destinasyon.
Ayon sa datos na ibinigay ng Japan International Cooperation Agency (JICA), 3.5 bilyong piso ang halaga ng nasasayang dulot ng matinding traffic. Hindi lang ito ang epekto ng trapiko sa isang commuter at motorista, malaki rin ang epekto nito sa work performance ng empleyado o maging ng estudyante.
Nakaka-drain ang sitwasyong ito, nakaupo ka ngunit sa haba ng iyong pag-upo ay nakauubos ito ng enerhiya.
Kung ikaw ay maiipit sa trapiko habang hinahabol ang alas-otso mong pasok sa trabaho o ang ala-sais mong klase sa eskuwela, narito ang mga bagay na maaaring gawin upang maging matiwasay ang iyong biyahe sa kabila ng nakaiinit ng ulo na trapiko?
Pangkaraniwang nararanasan ng isang commuter ay ang matagal na pag-upo. Ito ay dahilan upang makaramdam tayo ng pananakit sa ilang bahagi ng ating katawan. At upang maibsan ito, may ilang simpleng paraan upang maging relax habang naiipit sa trapiko:
ANKLE ROTATIONS
Paikutin ang iyong ankle pakanan at pakaliwa sa loob ng 5 segundo. Gawin ito ng limang set at ulitin ng walong beses. Ang simpleng ehersisyong ito ay makabubuti upang makaiwas sa sprains o pamumulikat.
NECK EXERCISE
Umupo ng tuwid at unti-unting ibaba ang ulo nang dahan-dahan sa isang side hanggang sa maabot ng tainga ang balikat. Ulitin sa kabilang side. Siguraduhing maramdaman ang pag-unat. Gawin ito sa loob ng limang minuto.
WRIST STRETCHES
Habang nasa biyahe madalas na libangan ay ang gumamit ng cellphone. Karaniwan na ang makaranas ng pangangalay. Upang ibsan ang pangangalay ay gawin ang sumusunod: iunat ang mga daliri hanggang sa pinakamalayong unat at saka ito isarado. Isang pagpipilian din ay ilapat ang mga daliri sa likod ng upuang nasaharap mo at iunat ang mga daliri patalikod.
UGALIING UMUPO AYON SA TAMANG POSTURE
Siguraduhing umupo ng tuwid at ang likod ay komportableng may nasasandalan. Ang mga paa naman ay dapat nakalapat ng maayos sa sahig.
MAKINIG NG MUSIKA
Sa mga millennial malaking bagay ang maiwan niya ang kanyang earphones o headset lalo kapag bumibiyahe. Ngunit lingid sa ating kaalaman na ang pakikinig ng musika ay nakatutulong upang paghusayin ang takbo ng ating utak at panatilihin itong malusog.
Ayon sa pag-aaral, nakababawas ng stress ang pakikinig sa musika at pinananatili nitong gumagana ng maayos ang utak. Nakatutulong ito upang maglabas ang utak ng tinatawag na “dopamine” o ang happy hormones. Mas mainam na i-shuffle ang iyong playlist habang nakikinig at kapag tumugtog ang iyong paboritong awitin nang hindi inaasahan maglalabas ang iyong utak ng happy hormone.
UMIDLIP HABANG NASA BIYAHE
Hindi na bago sa karamihan sa atin na makakita ng natutulog sa biyahe, ito ay maaring dahil kulang sa tulog o pagod galing sa mahabang araw. Ang haba ng inilalagi natin sa kalsada dahil sa trapiko ay umaabot ng isa hanggang dalawang oras o higit pa. Pero heto ang magandang balita, kung naipit sa trapiko at sa halip na magalit sa mundo ikaw ay mag-power nap. Ito ay 15-20 minuto nang pag-idlip at hinahayan nito na ang utak ay ibalik ang balanse nang katulad ng pagtulog natin sa gabi. Ikaw ay mas magiging alerto at makararamdam ulit ng kompletong enerhiya. Tandaan lamang na huwag lalampas ng 30 minuto dahil makararamdam ka ng pagod sa halip na maging alerto.
Hindi kailangan kainisan ang trapiko, may iilang mumunting benepisyo tayong makukuha rito depende sa kung paano natin titingnan ang mga bagay. Kaya gawin nang hassle at stress free ang iyong traffic jam. (photos mula sa google). MARY ROSE AGAPITO
Comments are closed.