GAWING MAS MASAYA ANG BONDING NG PAMILYA NGAYONG PASKO

BONDING PAMILYA

(Ni CT SARIGUMBA)

HINDI lahat ng Filipino o pamilya ay may sapat na salapi para lumabas o magtungo sa malalayong lugar at doon magbakasyon. Marami sa atin na gustuhin man nating magtungo sa ibang lugar para maging kakaiba ang pagdiriwang ng Pasko o holiday ay hindi magawa-gawa. Hindi nga naman kasi sapat ang kinikita ng ilang Filipino para makapagbakasyon. May ilan na saktong-sakto lang. Ang iba naman, mas inilalaan ang kinita sa kinabukasan ng pamilya kaysa sa ang gamitin ito sa pagliliwaliw.

Kunsabagay, hindi rin naman kailangang magtungo pa sa ibang lugar o maghanda ng engrandeng putahe at dessert ngayong Pasko para lang masabi na magiging masaya ang inyong Pasko. Dahil sa pamamagitan ng mga simpleng paraang ibabahagi namin sa inyo ay magiging masaya na ang inyong Pasko kasama ang pamilya. Narito ang ilang tips na puwede ninyong gawin kung nais ninyong manatili lang sa bahay:

MAG-MOVIE MARATHON O TV SERIES

Marami sa atin ang walang panahong manood ng sine o ang umupo at manood ng TV. Sa rami rin kasi ng inaasikaso natin, wala na tayong panahon pang manood ng TV o kaya ay ang magtungo sa sinehan para makapanood ng magagandang pelikula.

Kapag Disyembre isa sa ginagawa ng magkakapamilya at magkakaibigan ang pano­nood ng sine. Pero ang ilan, kaysa ang gumastos pa ay mas pinpiling sa bahay na lang mag-movie marathon o manood ng TV series.

Kung ayaw n’yo namang makipagsiksikan at mas gusto ninyong manatili sa loob lang ng bahay, isa sa magandang gawin  para mas ma­ging maganda ang bond­ing ninyo ng inyong pamilya ay ang pagmo-movie marathon o pano­nood ng TV series.

Sa panahon din ngayon ay napakarami nang paraan para makapanood kayo ng mga kinahihiligan ninyong palabas gaya ng online o sa Youtube. May ilang sites din na maaari nating puntahan para makapanood tayo ng mga nakatutuwang palabas.

Kaya naman, ngayong Pasko kung ayaw ninyong lumabas ng bahay, mabuti ang panonood ng TV series o ang mag-movie marathon.

Bukod sa nakapag-enjoy kayo, nakasama n’yo pa ang inyong pamilya.

MAKIPAGLARO SA KAPAMILYA

Isa rin sa nakatutuwang gawin kung gusto ninyong maging katangi-tangi ang Pasko kahit na nasa loob lang ng bahay ay ang paglalaro ng board games o kaya naman online games.

Sa panahon nga naman ngayon, hilig na hilig ng bagets ang paglalaro sa online games. Kaya’t bakit hindi ito ang gawin ninyong bonding ngayong Pasko.

Napakarami na ring games ang maaari nating pagplian. Hindi mo rin naman kailangang gumastos dahil may online games na  libre lang.

MAKIPAGKUWENTUHAN SA MAHAL SA BUHAY

Sa kaabalahan din ng marami sa atin, nawawalan na tayo ng panahong makipagkuwentuhan sa ating mahal sa buhay.

Dahil tiyak na kompleto ang miyembro ng pamilya ngayong Pasko, mainam kung gagamitin ito upang makapagkuwentuhan kayo ng mahal mo sa buhay. Ang pakikipagkuwentuhan din sa bawat miyembro ng pamilya ay isang paraan upang lalo pa kayong magkalapit sa isa’t isa.

KALIMUTANG PANANDALI ANG PROBLEMA AT MAGPATAWAD

Problema, hindi naman iyan nawawala sa buhay ng tao. At para rin mas makapag-enjoy kayo ngayong Pasko ay kalimutan na munang panandali ang kung ano-anong alalahaning bu­mabagabag sa inyo.

At bukod din sa paglimot o pag-iisang tabi na muna sa problema ay ang pagpapatawad. Hindi nga naman natin masasabing lahat ng magkakapamilya ay maayos o walang samaan o alitan. Kung minsan ay may mga panahong sumasama ang loob natin o may nakasaling sa ating puso kaya nagtatampo tayo o nagagalit.

Panahon ng pagmamahalan at pagpapatawaran ang Pasko. Kaya naman, gamitin natin ang okasyong ito upang magpatawad at maipadama ang pagmamahal natin sa ating kapamilya. Higit sa lahat, kung matututo rin tayong magpatawad sa mga nagkasala o nakagawa ng masama sa atin, mas magiging masaya rin tayo. Mas luluwag ang loob natin.

Kahit na nasa bahay lang, puwede pa rin tayong mag-enjoy ngayong Pasko. Kaunti man ang handa, wala itong kasing saya lalo na kung kasama natin ang ating pamilya.

Napakarami ring kagandahang naidudulot ang paglalaan ng panahon kasama ang pamilya. Unang-una nga riyan ang kaligayahan. Walang makapapantay sa kaligayahang nadarama natin sa tuwing nakakasama natin ang ating mahal sa buhay.

Sa paglalaan din natin ng panahon sa ating pamilya lalo na ngayong Pasko ay mas nagiging malapit tayo sa kanila.

Kaya naman, kung may panahon tayong makasama ang ating pamilya ngayong Christmas, gawin natin. Huwag nating palampasin ang pagkakataon.

Happy holidays.

Comments are closed.