GAWING MEMORABLE ANG PAMAMASYAL

MAGING memorable ang pamamasyal, iyan ang hinahangad ng marami sa atin. Kaya nga’t lagi nating pinupuntahan ang mg lugar na makapagdudulot ng ligaya sa atin. Mga lugar kung saan hindi lamang mga mata ang mapapangiti kundi ang ating puso.

Kaysarap mamasyal lalo na kung kasama natin ang ating pamilya at mga kaibigan. Walang katulad na kaligayahan kapag nararating natin ang mga lugar na bago sa ating paningin. Mga lugar na ipinagmamalaki ng bansa.

Para nga naman makakita ng magagandang tanawin, hindi mo na kailangan pang magtungo sa ibang bansa. Dahil sa Filipinas lang, kayrami na nating puwedeng dayuhin na tiyak na mag-e-enjoy tayo.

At para maging memorable ang pamamasyal, narito ang ilang tips na dapat nating isaalang-alang:

PILIIN ANG LUGAR NA GUSTONG-GUSTONG PUNTAHAN

Sa pamamasyal, kaila­ngang gustong-gusto mo ang lugar na iyong pupuntahan nang malubos ang iyongPASYAL kaligayahan. May ilan na dahil kulang sa budget, kung ano na lang ‘yung swak sa budget ay iyon na lamang ang pupuntahan. Oo nga’t nakarating ka sa ibang lugar ngunit ang tanong, gusto mo ba iyon? Matutuwa ka ba sa lugar na iyong pupuntahan?

Ang pamamasyal ay parang pagbili lamang ng isang bagay. Kailangang gustong-gusto mo ito para hindi masayang ang pera.

Hindi iyong pipili ka ng kahit na hindi mo gaanong gusto para lang masabing may nabili ka sa sarili mo.

Kung hindi mo kasi gaanong gusto ang bagay na binili mo, hindi rin malulubos ang kaligayahan mo. May hahanapin ka. May kulang.

Gayundin sa pamamasyal o sa pagpili ng lugar na pupuntahan. Kung ano iyong gustong-gusto mong puntahan, iyon ang puntahan mo.

ISAMA ANG PAMILYA AT KAIBIGAN SA PAMAMASYAL

Ano pa nga ba ang makahihigit sa kaligayahang nadarama kapag kasama natin ang ating pamilya at kaibigan? Hindi ba’t wala na?

Importante sa atin ang ating pamilya, gayundin ang mga kaibigan. Kaya naman, isama sila sa susunod mong pagliliwaliw at tiyak na magiging kata­ngi-tangi ang iyong pamamasyal.

Oo, may ilan sa atin na ayaw magkaroon ng kasama sa pamamasyal. May iba namang gustong-gusto ang may kasama. Oo nga’t mainam naman ang magtungo sa isang lugar nang mag-isa upang mabigyan ng panahon ang sarili. Gayunpaman, mas magiging masaya ang pamamasyal kung may kasama ka—lalo na kung malapit pa iyan sa puso mo.

KUMUHA NG MARAMING LITRATO

Hindi lahat ng tao ay may kakayahang makapamasyal o magliwaliw. Gayunpaman, sakali mangCAMERA nakapamasyal ka, siguraduhing may remembrance ka sa pagtungo mo roon.

Hindi nga naman natin nalalaman kung kailan ulit tayo makababalik sa nasabing lugar kaya mainam na iyong may mga litrato tayong babalik-balikan.

Sabagay, sa panahon nga naman ngayon ay napakahilig na ng marami sa atin sa pagkuha ng litrato kaya’t tiyak na sandamakmak o sangkatutak ang litratong puwede na­ting kuhanin sa pagtungo natin sa isang lugar. Pero sa pagkuha ng litrato, kuhanan din ang magagandang lugar at hindi puro sarili lang.

SUBUKAN ANG MGA BAGAY NA HINDI PA NASUSUBUKAN

Sa lahat ng lugar, may mga ipinagmamalaking putahe. May mga pagkain ding kakaiba. At para maging memorable ang iyong pagbabakasyon, subukan ang mga pagkaing bago sa paningin. Dayuhin o gawin din ang mga bagay na hindi pa nasusubukang gawin. Kumbaga, mag-explore ka.

MAGING HANDA SA PUWEDENG MANGYARI

Kahit na sabihin na­ting planadong-planado o plantsadong-plantsado ang gagawing pagbaba­kasyon, mayroon at mayroong maaaring mang­yaring hindi natin ina­asahan. Kailangang ma­ging handa tayo sa ganoon nang hindi masira ang gagawing pagbabakasyon. At kung sakaling may mangyaring hindi inaasahanm, huwag masyadong mag­paapekto. Huwag mag­reklamo at mainis. Bagkus ay mag-isip ng magandang paraan para masolusyunan. Ma­ging open minded.

Kung tutuusin, napa­ka­­raming bagay ang ma­aari nating gawin upang maging memorable ang pamamasyal. Maraming tips din ang maaari na­ting marinig at mabasa. Pero nasa sa atin pa rin ang paraan para maging me­morable ang susunod na­ting destinasyon.  CS SALUD (photos mula sa google)

Comments are closed.