GAWING PRAYORIDAD ANG MAG-AMPON SA HALIP NA BUMILI NG MGA BAGONG ALAGANG HAYOP

LIKAS sa ating mga Pilipino ang maging mapagmahal sa mga hayop lalo na yaong mga maaaring alagaan sa bahay gaya ng mga aso at mga pusa.

Maraming pamilyang Pilipino ang mayroong alagang hayop sa bahay. Sa katunayan, ang iba nga ay higit sa isa ang bilang ng inaalagaan, at mayroon din namang maraming klase ng hayop ang itinuturing bilang miyembro ng pamilya

Ang pagiging mapagmahal ng mga Pilipino sa mga hayop ang siya ring nagbigay-daan sa pagkakaroon ng mga orgnisasyong nangangasiwa sa pagkupkop sa mga hayop na lumalaboy sa lansangan upang masigurong ang mga ito ay malayo sa panganib at nakakakain nang maayos. Napakalaking tulong na mayroong mga boluntaryong kumukupkop sa mga ito, lalo na sa mga hayop na nasa mga animal shelter ng mga lokal na pamahalaan dahil minsan umaabot sa puntong napagdedesisyunang patayin na lamang ang mga ito.

Ayon sa Philippine Animal Welfare Society (PAWS), noong taong 2019 ay tinatayang nasa humigit kumulang 12 milyong mga aso at pusa ang nagpapalaboy-laboy sa lansangan at hinihinalang ito ay tumaas na sa 13 milyon sa kasalukuyan. Hindi kataka-takang napakaraming nakikitang mga gumagalang aso at pusa saan ka man tumingin sa daan. Bagama’t maraming organisasyon na tumututok sa pagsagip sa mga hayop na nangangailangan, imposible pa rin na masagip ang lahat ng ito dahil sa napakataas na bilang.

Batay sa impormasyong ibinahagi ng Compassion and Responsibility for Animals (CARA) Welfare Philippines, ilan sa mga natukoy na pangunahing dahilan kung bakit dumarami ang mga pagala-galang hayop sa lansangan ay ang iresponsableng pamamaraan ng ibang mga may-ari sa mga ito. Upang maiwasan ang pagdami ng mga hayop, lalo na kung wala naman sa plano ang mag-breed, dapat ang mga ito ay kinakapon upang hindi na manganak at dumami pa. Marami rin ang nagdedesisyon na iwan na lamang ang mga aso o pusa kapag hindi na ito kayang alagaan. Nakalulungkot ding malaman na sa kabila ng mataas na bilang ng mga hayop na nasa kustodiya ng mga organisasyon, marami pa rin ang mas gustong bumili ng bagong aso na mas maganda at may magandang lahi.

Kaugnay nito, marami sa mga organisasyong kumakalinga sa mga hayop ang patuloy na nangangampanya na gawing prayoridad ang pag-ampon kaysa sa pagbili ng bagong mga alaga dahil marami ang nangangailangan ng tulong. Minsan hindi ko maiwasang hindi mapaisip. Hindi ba’t kung talagang may pagmamahal at pagmamalasakit sa mga hayop, dapat ay hindi na mahalaga kung maganda ba ang lahi ng aalagaan o kung ito ba ay bagong bili o kinupkop lamang mula sa mga animal shelter.

Marahil kailangan pa ng mas agresibong kampanya ukol sa pangangailangan ng tulong ng mga animal shelter. Siguro, kung maipapaalam sa mas maraming tao kung gaano karaming hayop pa ang nangangailangan ng tulong, kalinga, at pag-aaruga, mas marami siguro ang mahihimok na mag-ampon na lamang.

Sa mga hindi nakaaalam, ako mismo ay may natatanging pagmamahal para sa mga pusa. Walang kasing lambot ang aking puso sa tuwing nakikita ko ang mga pagala-galang pusa sa paligid ng aking tirahan. Kaya naman, regular kong pinakakain ang mga ito. Bukod pa riyan, kamakailan ay mayroon akong inampon na kuting na aking pinangalanang Maria Tarsiella y Hermoso o Tarsi dahil sa bilugang mata nito na mala-tarsier. Nagdesisyon kami ng aking asawa na bigyan ng buong pangalan si Tarsi bilang bagong miyembro ng aming pamilya. Kung dati ay isa lamang ang anak namin, ngayon, dalawa na sila – isang lalaki at isang babae. Sa madaling salita, kinumpleto ni Tarsi ang aming maliit na pamilya.

Tunay na naging mas masaya ang aming tahanan buhat nang dumagdag sa aming pamilya si Tarsi dahil napakalambing nito at nakatutuwang pagmasdan kapag siya’y naglalaro. Nawawala ang aking pagod sa tuwing naglalambing sa akin si Tarsi sa tuwing ako ay umuuwi galing opisina. Maging ang kuya niyang si Jap, ang aking panganay na anak na doktor, ay naaaliw na rin kay Tarsi. Si Tarsi ang patunay na hindi mahalaga ang lahing pinagmulan ng pusa dahil anuman ang lahi ng mga iyan, pare-pareho lamang silang magpapakita ng pagmamahal sa mga taong alam nilang nagmamalasakit at nagmamahal din sa kanila.

Masasabi kong napakalaking bagay na nakikita ko sa aking mga magulang kung paano sila magmahal at magmalasakit sa mga hayop sa aming maliit na farm sa Masbate. Ang aking mga magulang ang nagturo at nagpakita sa akin na ang mundo ay hindi lamang para sa tao. Mayroon ding lugar ang mga hayop dito. Higit sa lahat, ang mga hayop ay dapat inaalagaan dahil hindi sila gaya ng mga tao na kayang sabihin kung ano ang kanilang kailangan, kung may nararamdaman ba itong sakit, o anupaman. Ako ay naniniwala na nilikha ng Diyos ang mga tao bilang may pinakamataas na uri ng buhay upang pangalagaan ang kanyang mga nilikha gaya ng mga hayop.

Nawa’y dumami pa ang magdedesisyong mag-ampon na lamang sa halip na bumili ng aalagaang hayop. Sana ay dumami pa ang makikiisa sa pag-resolba ng krisis ukol sa pagdami ng mga galang-hayop sa Pilipinas. Nawa’y mas mapaigting pa ang pagpapatupad ng Animal Welfare Act of the Philippines upang masigurong ang lahat ng hayop sa bansa ay mabibigyan ng proteksyon laban sa panganib at sa mga iresponsableng tao na nagnanais na saktan ang mga ito. Kung walang kakayahang tumulong at mag-ampon, siguraduhin na lamang na hindi rin gagambalain o mamaltratuhin ang mga hayop na pagala-gala sa lansangan lalo na kung wala naman itong ginagawang pananakit o pang-aabala. Ugaliin nating respetuhin ang buhay ng mga ito dahil gaya natin, nilikha rin sila ng Panginoon.