Sa kabila ng maya’t mayang pag-ulan
(ni CS SALUD)
PAGPAPAGANDA ng tahanan, isa pa iyan sa pinag-uukulan ng pansin ng marami sa atin—hindi lamang kapag mainit ang panahon kundi maging sa tag-ulan o kung malamig ang paligid.
Nakatatamad nga naman ang gumalaw-galaw kapag malamig ang panahon. Dahil diyan, kailangang gumawa tayo ng paraan at isa sa maaaring subukan ay ang pagpapaganda ng tahanan o pag-iisip ng iba’t ibang dekorasyon na swak sa nasabing panahon.
Narito ang ilang simpleng tips na maaaring subukan nang maging presentable ang tahanan kahit na maulan ang paligid:
UMBRELLA POT O STAND
Maulan ang paligid. Pero sa kabila nito ay hindi naman maiiwasang hindi tayo lumabas. Kahit na basang-basa ang paligid ay hindi pa rin naman natitigil ang ating mga gawain—magtungo sa opisina para magtrabaho, mamalengke, ihatid si bunso sa eskuwelahan at kung ano-ano pa.
At dahil maulan ang paligid, kailangan nating magdala ng payong. Pinakaimportanteng bagay sa tag-ulan ang payong. Ito nga naman ang isang bagay na maituturing nating best friend kapag tag-ulan.
Kapag nabasa ang payong matapos gamitin kung maulan ang paligid, hindi naman puwedeng itiklop na lang ito at ilagay sa isang tabi. Nababasa ito kaya’t kung ilalagay lang ito sa kung saan-saan, mababasa ang pinaglalagyan.
Kaya isang paraan nang maiwasang mabasa ang sahig na maaaring maging dahilan ng pagkakadulas ng miyembro ng pamilya, mainam ang paglalagay ng umbrella pot o stand. Kumbaga sa isang parte ng bahay, mainam kung maglalaan kayo ng isang pot o stand na maaaring paglagyan ng payong nang hindi ito nakakalat lang.
Hindi rin naman kailangang gumastos dahil puwede kang gumamit ng malaking basket o vase para maging lalagyan ng payong. Mainam din kung ilalagay ito sa may front door o sa lugar kung saan dinaraanan bago pumasok sa loob ng bahay.
DIRT TRAPPERS
Importante rin ang paglalagay ng dirt trappers o doormat sa may pintuan lalo na ngayong tag-ulan. Mahirap at matrabaho nga naman ang maglinis ng putik sa sahig. At para maiwasang magkaputik o pumasok ang dumi sa loob ng tahanan, maglagay ng dirt trappers o doormat sa may pintuan o front door nang maiwasan ang problema.
Pagdating sa doormat, napakarami na ring puwedeng pagpilian sa panahon ngayon na cute at colorful. Marami ring doormat na abot-kaya sa bulsa kaya’t hindi ka mamomroblema sa pambili. Swak ding gamitin ang mga doormat na may kakaibang design.
Sa pagbili rin ng doormat, hindi lamang ganda ang kailangan nating tiyakin kundi maging ang kalidad nito. Mas matagal nating mapakikinabangan ang isang bagay lalo na kung maganda ang kalidad nito.
SCENTED CANDLES
Hindi maiiwasan ang pagkakaroon ng kakaibang amoy sa loob ng bahay kapag tag-ulan. At para maiwasan o mawala ito, mainam ang paglalagay ng mga scented candles. Marami na rin sa panahon ngayon ang ginagawang dekorasyon ang scented candles, bukod nga naman sa napakaraming iba’t ibang kulay, laki at design ay nakapagdudulot pa ito ng mabangong amoy sa ating tahanan.
Bukod din sa mabangong amoy na dulot nito sa bawat tahanan o silid, nakapagpapaganda rin ito ng pakiramdam.
PROPER LIGHTING
Bahagya ring dumidilim ang kabuuan ng tahanan kapag maulan. Kaya’t para magliwanag, importante ang paglalagay ng tamang ilaw sa bawat silid o bahagi ng bahay. Malaki ang naitutulong ng tamang klase ng ilaw sa isang lugar para maging maganda ito at maaliwalas sa paningin.
MAGLAGAY NG HALAMAN SA LOOB NG TAHANAN
Alam naman nating lahat na nakagaganda ang paglalagay ng halaman sa loob ng bahay. Kaya’t kung nag-iisip kayo ng simpleng paraan para magkaroon ng kakaibang look ang loob ng bahay, bakit hindi ninyo subukan ang paglalagay ng mga halaman—namumulaklak man o hindi.
May mga halaman sa panahon ngayon na nakapaglilinis ng hangin gaya na lang ng snake plants. Puwede ito sa loob at labas ng bahay.
Puwede rin namang gamiting pampaganda ng tahanan ang mga fresh flower. Kung wala namang totoong halaman o bulaklak, maaari ring gamitin ang plastic plants.
KID FRIENDLY
Huwag din nating kalilimutan ang ating mga anak sa pagdedekorasyon o pagpapaganda ng ating tahanan. Kailangang ang dekorasyong gagawin sa ating bahay ay kid friendly.
Siguraduhing casual and fun ang inyong fabrics and slipcovers. Puwede rin kayong mag-bonding at gumawa ng mga art projects. Swak na swak na pandekorasyon ang magagawa ninyong art project. Nagkaroon ka na ng panahon sa mga anak mo, nakagawa pa kayo ng pandekorasyon sa inyong mga bahay.
Hindi lahat ng bagay, imposibleng gawin gaya na lamang ng pagpapaganda ng ating tahanan. May simpleng paraan din naman kasi na nakatutulong upang mapaganda pa nating lalo ang ating mga tahanan. Maging madiskarte lang. Mag-research lang din. Dahil sa pagre-research ay napakarami nating maaaring matutunan na makatutulong sa pagpapaganda ng bawat sulok ng ating bahay. (photos mula sa architecturaldesign.com, amazon.com at springfair.com)
Comments are closed.