LIMANG araw na lamang bago mag-Pasko at marami sa atin ang nakaranas nitong mga nagdaang araw na maipit sa trapik habang nagsha-shopping o nakikipagkita sa mga kaibigan.
Tila balik na nga sa normal ang buhay pagkatapos na alisin ang mga pandemic restrictions. Ngunit, ingatan sana nating huwag muling mahulog sa bitag ng walang pakundangang pagdedesisyon o pagkilos, na siyang isa sa mga dahilan kung bakit narito sa kasalukuyang sitwasyon ang ating mundo.
Kumukutitap man ang mga ilaw ngayon at halos lahat ay abala, pero hindi nito nabubura ang katotohanang nasa gitna tayo ng krisis pang-ekonomiya at pangkalikasan at ang susunod na pandemya ay maaaring nalalapit na.
Madaling malimutan ang mga katotohanang ito habang malakas ang musika at masayang nagtatawanan ang lahat.
Siyempre, hindi ko naman sinasabing tularan natin si Scrooge pero mas mainam na maging maingat tayo sa ating bawat kilos, desisyon, kung paano natin ginagasta ang ating oras at pera, ano ang mga kinakain natin, at iba pa.
Halimbawa, pag-isipan nating mabuti kung ano ang ibibigay na regalo sa mga mahal sa buhay. Magugustuhan at mapakikinabangan ba nila ito, o aalikabukin lang sa isang tabi? Minsan, mas mainam pa nga na huwag na lamang magbigay ng anumang materyal na bagay. Sa halip, puwede tayong maglaan ng panahon kasama ang mga mahal natin sa buhay at gumawa ng magagandang alaala na maaaring balikan sa mga darating na araw. Napakagandang regalo na nito para sa lahat.
Aking nais ipahatid ang mainit na pagbati sa lahat ng aking mambabasa at mga kaibigan ng PILIPINO Mirror! Maligayang Pasko po sa inyong lahat!
(Itutuloy)