GAYA NI NINOY, TAYO MAN AY MAAARING MAGING DAKILA

KUNG  ikaw ay magtatanong-tanong sa iba’t-ibang tao kung ano ang kanilang nasasaisip kung si Benigno “Ninoy” S. Aquino Jr. ang pag-uusapan, siguradong makatatanggap ka ng samu’t saring kasagutan. Para sa marami, siya ay isang dakilang bayani na namatay para sa mga Pilipino. Para sa iba naman, maaaring para sa mga kabataan natin ngayon, maaaring siya lamang ay isang pangalan na ginamit para sa isang airport terminal dahil siya ay namatay roon.

Totoong kilala si Ninoy Aquino bilang isang matalinong pulitiko na kumuwestiyon at nagsalita laban sa pamahalaang militar ni Presidente Ferdinand Marcos, totoo rin naman na siya ay isang ordinaryong estudyante at Pilipino noon—kung siya ay titingnan sa labas ng karangyaan at kasikatang nakakabit na sa pangalang Aquino.

At kahit pa siya ay naging bahagi ng pulitika sa Pilipinas, siya pa rin ay isang karaniwang Pilipinong nakaranas ng iba’t-ibang problema sa pang araw-araw na pamumuhay na pilit na ginawan ng paraan upang malagpasan dahil siya ay nasa posisyon kung saan siya ay may maaaring magawa tungkol sa mga ito. Kasama niya sa isang tahanan ang kanyang pinakamamahal na pamilya at araw-araw siyang nagsisikap sa hanapbuhay upang maitaguyod sila. Patuloy rin ang paninindigan niya sa kanyang mga pinaniniwalaan, pinangangalagaan ang hustisya para sa kanyang mga kababayan sa paraang naaayon sa kanyang mga pananaw—kahit na ito ay humantong sa kanyang pagkakapiit. Paano nga ba siya naiiba sa pangkaraniwang Pilipino na sinusubukan lamang itaguyod ang pamilya at gagawin ang lahat para sa kanila, lalo na sa oras ng kapahamakan?

Sa panahon ngayon, may ilang mga pampublikong opisyal ang hindi nakauunawa sa mga problemang dinaranas ng mga ordinaryong Pilipino na hirap na dahil sa inflation, pagtaas ng presyo ng krudo, at iba pang mga suliranin ng bayan. Dahil dito, hindi rin nakapagtataka na sila mismo ay hindi kayang magbigay ng mga solusyon para sa mga problemang ito.

Naiiba si Ninoy sa kanila sapagkat nauunawaan niya ang sambayanan at ang kanilang mga pinagdadaanan.
(Itutuloy…)