GAYA NI NINOY, TAYO MAN AY MAAARING MAGING DAKILA

(Pagpapatuloy…)
Nakalulungkot isipin na dahil sa tingin nila ay sila’y ordinaryo, karamihan ng mga tao ay iniisip na wala silang magagawa upang pagbutihin ang kanilang sitwasyon. Para sa kanila, dahil wala silang kapangyarihang tulad ng sa mga pulitiko ay wala silang kakayahang gumawa ng malalaking pagbabago.

Ngunit, hindi ito totoo. Si Ninoy mismo ang nagpakita sa atin nito. Ang mga ordinaryong Pilipino ay siyang gumamit ng kanilang kapangyarihan (sa pagboto) upang ibigay sa mga namumuno ang kanilang mga posisyon. Ang mga ordinaryong Pinoy na kanilang nasasakupan ay nararapat lamang na kanilang pagsilbihan, tugunan ang mga pangangailangan. Karapatan din nating panagutin sila sa kanilang bawat gawa o kilos upang siguruhing nagagampanan nila ang kanilang mga sinumpaang tungkulin.

Tulad ng ginawa ni Ninoy noon kung saan siya ay nanindigan laban sa mga karahasan na nangyayari sa kanyang harapan, nararapat lamang na tayo rin ay manatiling maingat at magpatuloy sa pagpapabuti sa ating kalagayan o sitwasyon sa abot ng ating makakaya.

Totoong magkakaroon pa rin ng iba’t-ibang opinyon ang mga Pilipino tungkol kay Ninoy Aquino. Ngunit hindi maitatanggi ang naidulot niyang kabutihan para sa ating bansa at sa mga Pilipino, bilang isang pulitiko at ating kababayan.

Nag-iwan si Ninoy ng maraming aral at kasama na rito ay ito: Ang pangkaraniwang Pilipino ay may kakayahang gumawa ng mga makabuluhang bagay gamit ang kanyang ordinaryong buhay. Maaari nating maging kasangkapan ang ating mga napagdaanan at karanasan upang gumawa ng mga solusyon para sa mga problemang kinakaharap natin.

Ang tanging kailangan lang upang matupad ito ay ang taos-pusong pagmamahal para sa ating bayan at sa ating kapwa Pilipino.