PINAG-AARALAN na ng pamahalaan kung kakayanin pa ng budget na isama sa second tranche ng social amelioration program (SAP) ang mga nasa lugar na nasa general community quarantine (GCQ).
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, inatasan na ng Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Budget and Management (DBM) na maghanap ng pondo na puwedeng i re-align para sa second tranche ng SAP.
Hindi rin aniya sila nakatitiyak kung nasa P5,000 hanggang P8,000 pa rin ang maibibigay sa second tranche ng SAP para sa mga nasa GCQ sakaling mahanapan ito ng pondo.
Matatandaan na sa orihinal na anunsiyo ng gobyerno, 18 milyong mahihirap ang bibigyan ng P5,000 hanggang P8,000 cash subsidy para sa buwan ng Abril at Mayo o dalawang tranches.
Gayunman, nang ianunsiyo ni Roque na nasa GCQ na ang lahat ng lugar sa bansa maliban sa NCR, Laguna at Cebu City, kasama sa kanyang anunsiyo na tanging ang mga benepisyaryo na lamang sa NCR, Laguna at Cebu City ang makatatanggap ng second tranche ng SAP.
Mula rin sa 18 milyon ay ginawa nang 23 milyon ang mabibigyan sa unang tranche ng SAP. LEN AGUIRRE-DWIZ882
Comments are closed.