‘GCTA LAW PRISONERS’ AARESTUHIN SA SET. 20

Albayalde

TAGUIG CITY – INALERTO ni  Philippine National Police-National Capital Regional Police Office Director P/Maj. Gen. Guillermo Eleazar ang kanyang mga district director bago magtapos ang 15 araw na ultimatum ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa may 1,700 heinous crime convicts na nakinabang sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) law para sumuko.

Ito ay makaraang lumabas sa pag-aaral ni Eleazar na mahigit 202 ex-convict na nakalaya dahil sa nasabing batas ay naninirahan sa Metro Manila.

Base sa tala ng PNP  habang nalalapit ang September 19 deadline  ng Pangulo ay may 41 na convicted  ang sumuko sa Metro Manila.

“Klaro ang binanggit ng Pangulo, after 15 days, aarestuhin na ang mga ‘di pa sumusuko. After termination of deadline, sa September 20, mag-manhunt operation na tayo,” ayon pa kay Eleazar.

Setyembre 4 nang ipag-utos ni Pangulo ang suspensiyon sa GCTA Law at pagpapasuko sa halos 2,000 convicted sa heinous crimes  na napalaya sa nasabing batas.

Kahapon ng umaga sa datos ng PNP ay nasa 431 mga preso na lumaya dahil sa GCTA ang sumuko sa pulisya.

Inihayag ni PNP Spokesperson BGen. Bernard Banac, nasa 252 convicts na ang naiturn-over ng PNP sa Bureau of Corrections (BuCor) habang ang iba naman ay nasa kustodiya ng PNP na nasa iba’t ibang police stations sa buong bansa.

Karamihan sa mga presong sumuko sa PNP ay may mga edad na at nahatulan  sa heinous crime gaya ng rape, murder at robbery homicide. VERLIN RUIZ

Comments are closed.