NAGKAROON ng pag-asa sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) GCTA ang mga kriminal na nakulong dahil sa pagsangkot sa heinous crimes.
Sa ulat ni Drew Nacino ng DWIZ 882AM Siyasat, nito lamang Abril 3, idineklara ng Korte Suprema na ‘‘entitled” ang mga bilanggong convicted sa henious crimes na bawasan ang panahon ng pagkakakulonh sa kanilang sentensiya.
Alinsunod ito sa Republic Act Number 10592 o new Good Conduct Time Allowance na mas kilala bilang GCTA Law.
Sa ilalim ng nasabing batas ay babawasan ang sentensya o iiklian ang panahon ng pagkakabilanggo ng mga convicted basta’t magpapakita ng magandang asal.
Layunin din nitong mabawasan ang pagsisiksikan sa piitan ng mga bilanggo, lalo sa New Bilibid Prison.
Pero sa desisyong pinonente ni Supreme Court Associate Justice Maria Filomena Singh at na-promulgate kamakailan, napag-alaman ng Kataas-Taasang Hukuma. na lumampas na ang Department of Justice sa hurisdiksyon nito o sa kanilang power of subordinate legislation.
Ito ay makaraang i-itsapuwera ng DOJ ang mga convicted sa mga karumal-dumal na krimen sa mga dapat makinabang sa GCTA Law
Ayon sa SC, walang bisa ang 2019 implementing rules and regulations ng DOJ. nang palawakin nito ang saklaw ng batas makaraang alisin ang mga labas-masok at tumakas sa kulungan at Persons Deprived of Liberty (PDL) na convicted sa heinous crimes na bigyan ng GCTA credits.
Sa kabila nito, mariing tinutulan ng mga pamilya ng mga biktima ng karumal-dumal na krimen at ilang grupo gaya ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) ang nasabing desisyon ng SC.
Kinatigan naman ng Commission on Human Rights ang naging pasya ng kataas-taasang hukuman na isama sa dapat bigyan ng GCTA credits ang mga sentensyado sa karumal-dumal na krimen.
Ayon kay CHR spokesman, Attorney Beda Epres, naniniwala silang kahit nakagawa ng krimen ang isang tao ay may pag-asa pa rin itong magbago.
Para naman kay Atty. Tranquil Salvador, dean ng Manila Adventist College – School of Law, wala sa SC at DOJ ang problema bagkus ay sa mismong ipinatupad na batas.
Dahil dito, binigyang-diin ni Attorney Salvador na nasa Kongreso na ang desisyon upang ma-plantsa ang magkaibang interpretasyon ng SC at DOJ sa GCTA law.