GDP GROWTH BUMAGAL

Secretary Ernesto Pernia

BUMAGAL sa second quarter ng taon ang paglago ng ekonomiya ng bansa.

Sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA), naitala sa 6 percent lamang ang gross domestic product (GDP) sa second quarter ng 2018, na mas mababa kumpara sa 6.6 percent noong first quarter at sa  6.7 percent noong nakaraang taon.

Ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia, ang pagbagal ng paglago ng ekonomiya ng bansa ay maaaring dahil sa ilang polisiya na isinusulong ng pamahalaan.

Kabilang na rito ang pansamantalang pagsasara ng isla ng Boracay, na nakaapekto sa ekonomiya ng bansa.

Inaprubahan ni Presidente Rodrigo Duterte noong Abril ang rekomendasyon na isara ang Boracay sa loob ng anim na buwan para isailalim ito sa rehabilitasyon.

Naunang sinabi ni Pernia na ang six-month closure ng isla ay mag­reresulta sa pagkalugi ng pamahalaan ng hanggang P1.96 billion.

Ayon pa sa kanya, ang second quarter GDP growth ay naglagay sa Filipinas sa ikatlong puwesto sa ‘fastest growing economies’ sa Asia, subalit  mas mataas pa rito ang maaaring makamit.

“Although this growth still puts the Philippines as one of the best-performing economies in Asia, just after Vietnam at 6.8 percent growth and China at 6.7 percent growth, and ahead of Indonesia’s 5.3 percent, this growth rate is less than what we had hoped for,” aniya.

Naniniwala naman ang World Bank na ka­yang makamit ng bansa ang 6.7 percent growth ngayong taon at sa 2019.     VERLIN RUIZ

Comments are closed.