KINUMPISKA kamakalawa ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang 250 mga Gecko Lizard nang walang maipakitang permit galing sa Bureau of Animal Industry (BAI) ang may dala nito.
Ayon kay NAIA customs district collector Mimel Talusan, ang sinasabing 250 piraso ng lizards ay dumating sa Pair Cargo warehouse noon pang nakalipas na Setyembre 27, 2018, mula sa Hong Kong.
Ayon pa kay Talusan, ito ay nakapangalan sa isang Jose Pierino Nicolas, may-ari ng PC Exotic Pets na matatagpuan sa Caloocan City.
Nadiskubre ng Customs na ang mga Gecko lizard ay nagkakahalaga ng $100 hanggang $450 at katumbas ng P5,400 hanggang P24,000 kung pagbabatayan ang local currency.
Nasabat ng BOC ang mga kargamento matapos walang maipakitang sanitary at phytosanitary import clearance (SPS Import Clearance), at paglabag ng Department of Agriculture Administrative Order No. 9 Series of 2010 (DA AO No. 9-2010) in relation to section 1113 (L-5) of the Customs Modernization and Tariff Act or RA 10863.
Sinabi pa ni Talusan na sa importasyon ng mga lizard nang walang kaukulang permit ay nilalagay ang mga ito sa panganib at imbalance sa biodiversity ng Philippine Wildlife.
Ang mga Gecko ay kapamilya ng Gekkonidae, maliliit at maiiksi ang mga katawan ngunit malalaki ang ulo. F MORALLOS