OPISYAL na manunungkulan sa susunod na linggo ang bagong hirang na Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Lt. Gen. Benjamin R. Madrigal Jr. bilang kapalit ng magreretirong si AFP chief Carlito Galvez Jr.
Nakasaad sa appointment papers ni Madrigal na may petsang Nobyembre 5, 2018 na epektibo sa Disyembre 12, 2018 ang simula ng kanyang panunungkulan bilang AFP chief, ang araw din ng pagreretiro ni Galvez.
Si Madrigal na miyembro ng Philippine Military Academy Sandiwa Class of 1985 ay kasalukuyang commander ng Eastern Mindanao Command (Eastmincom) na nakabase sa Davao City.
Nagsilbi rin si Madrigal bilang Commander of the Southern Luzon Command (Solcom), Commander ng 4th Infantry Division sa Cagayan De Oro, Assistant Division Commander at pagkaraa’y Acting Division Commander 10th Infantry Division Compostela Valley at Chief of Staff ng Philippine Army.
Si Galvez ay magiging pinuno ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) kapalit ng nagbitiw na si Jesus Dureza.
Kasabay nito ay inilabas na rin ang appointment papers ni Lt. Gen. Rozzano D. Brigues bilang bagong commanding general ng Philippine Airforce na kapalit ni Gen. Galileo Gerard Kintanar.
Si Brigues na kasalukuyang commander ng Western Mindanao Command (Westmincom) ay miyembro ng PMA “Sinagtala” Class of 1986. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.