SI Miguel Malvar y Carpio ay isinilang noong 27 Setyembre 1865 at namatay noong 13 Oktubre 1911. Isa siyang Pilipinong heneral na naglingkod noong Himagsikan ng Pilipinas at kalaunan sa kasagsagan ng Digmaang Pilipino-Amerikano. Ginampanan niya ang pamamahala ng panghimagsikang hukbong katihan ng Pilipinas noong huling bahagi ng sigalot pagkatapos sumuko si Emilio Aguinaldo sa mga Amerikano noong 1901. Ayon sa ilang mga mananalaysay, maaari siyang itala bilang isa mga pangulo ng Pilipinas subalit kasalukuyang hindi kinikilala ng pamahalaan ng Pilipinas.
Isinilang siya sa San Miguel, Santo Tomas, Batangas, kina Máximo Malvar o Kapitan Imoy at Tiburcia Carpio o Capitana Tibo. Hindi sila mayaman pero kilala sila sa kabaitan. Naging kamag-aral niya sa Padre Valerio Malabanan sa Tanauan, Batangas si Apolinario Mabini ngunit hindi na siya nagpatuloy ng pag-aaral sa Maynila upang maging isang magsasaka at tinulungan niya ang kanyang kapatid na si Potenciano, na makapag-aral ng medisina sa Espanya. Kinalaunan, nahalal siya bilang capitan municipal ng kanyang bayan.
Noong 1891, napangasawa ni Malvar si Paula Maloles, anak ng capitan municipal ng Santo Tomas na si Don Ambrocio Maloles na kilala rin bilang “Ulay.” Nagkaroon sila ng 13 anak ngunit ang nabuhay lamang ay sina Bernabe, Aurelia, Marciano, Maximo, Crispina, Mariquita, Luz Constancia, Miguel (Junior), Pablo, Paula, at Isabel. Kasama ni Malvar ang kanyang mag-anak sa mga labanan.
Magkaibigan sina Malvar at José Rizal pati ang kanilang mga pamilya. Inayos ni Doktor Rizal ang bingot ng asawa ni Malvar, at pinahiram ni Saturnina si Malvar ng 1,000 piso bilang kapital sa negosyo. Magkamag-anak ang asawa ni Saturninang si Manuel at si Malvar, at ang anak na babae ni Soledad Rizal Quintero ay naging asawa ng panganay na anak na lalaki ni Malvar, na si Bernabe. Kasamahan din ni Paciano si Malvar sa himagsikan. — LEANNE SPHERE